Basta, soli-pera

DI bale na kung hindi mai-impeach ang Ikalawang Aquino (at sana’y siya na ang huli). Wala naman siyang ipinagkaiba kay Gloria Arroyo. Hindi rin na-impeach. Iba ang laro ng malalakas na politiko. Malakas silang magnakaw at mahina ang taumbayan. May kapangyarihan sila at hindi makalalaban ang taumbayan. Langit sila at lupa ang arawang obrero, ang mahihirap. Pero, may araw din sila. Ang mga Ebanghelyo sa umpisa ng Linggo ng Hulyo ay napapanahon dahil sinasabi rito na hindi natutulog ang Diyos. Malapit na ang araw ng malalakas na magnanakaw.

Para sa arawang obrero at mahihirap, magandang pangyayari na nabisto na at bistado na ang malalakas magnakaw ng pera ng taumbayan. Walang lakas ang mahihirap na ipakulong sila. Wala ring magagawa ang mahihirap kung hindi sila mabubulok sa bilangguan. Tanggap na ng mahihirap na hanggang ganoon na lamang sila: inaapi. Pero, ipagtatanggol ng Diyos ang api.

Hindi nga lang ngayon. Maaaring bukas, sa makalawa… Maaari silang dapuan ng hindi gumagaling na sakit, o biglang atakehin ng sakit sa puso.

Para sa mahihirap, isoli lang nila ang pera na kanilang ninakaw at pinakialaman ay puwede na. Hindi kalahati. Hindi P40 milyon lang. Buo. Ang buong ninakaw at pinakialaman ay ibalik nila sa kaban. Ibinigay sa 21 senador ang P1.107 bilyon, 18 sa kanila ay tig-P50 milyon. Si Franklin Drilon ay binigyan ng P100 milyon at si Francis Escudero ay P99 milyon. Isoli lang nila ito sa kaban ng bayan ay okey na. At isoli rin nila ang iba pang kagundok na pera. Ilegal ang pera kaya isoli na lang nila ito. Hindi naman sila kayang ipakulong ng mahihirap. Kung puwede nga lang silang umugin sa kalye ng galit na taumbayan, tulad ng ginagawa sa holdaper at snatcher.

Pero, maliit na pera at mumurahing alahas lang ang tinangay ng mga holdaper at snatcher sa kanilang biktima. Kapag nadinig ng taumbayan ang sigaw at paghingi ng saklolo ay agad na tumutugon ang mahihirap. At ilang minuto pa ay patay na sa umog ang mga suspek. Mabuti na lang at hindi sila, at kailanman, kayang umugin ng taumbayan, sa ngayon.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Hindi dapat alisin si Nora Aunor sa listahan ng National Artist dahil siya ay people’s choice. Dapat walang politika. Si PNoy ang dapat alisin sa kanyang puwesto kasi P220 bilyon ang kanyang nakuhang pork barrel. Tapos may DAP pa na P120 bilyon. Mahiya ka naman PNoy. Huwag mong tulalaran ang kapatid mo na si Kris. …2920

Kahit sinuman, pakisabi kay Pacquiao maiisahan na siya ng susunod na kalaban kung nakatuon siya sa basketball. …8940

Dito sa Sultan Kudarat, walang bigas-NFA. Napakamahal ng mga uri ng bigas na ibinebenta sa palengke. Pero, maraming bigas sa mga bodega ng rice millers ng NFA. Dods ng Tacurong City …9382

Read more...