MERON kayang tanim na espiya ang mga “kalaban” ng Office of the Ombudsman?
May ilang nagdududa kung sadya ba raw na ipinatatalo ng prosekusyon ang kasong plunder laban kina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla Jr., at Juan Ponce Enrile.
Nang mag-resign si Ombudsman Merceditas Gutierrez upang maiwasan ang impeachment trial ay mayroong mga umiyak na opisyal. Ilan sa mga ito ay nasa ahensya pa hanggang ngayon.
Pumalit sa kanya si Ombudsman Conchita Carpio Morales at syempre hindi naman pwede na palitan niya ang lahat ng tao roon.
Sa pagdinig nang mga kasong plunder ng mga senador mayroong mga nagsasabi na parang ‘prepared’ ang sagot ng mga abugado ng depensa sa tanong ng prosekusyon.
Kaya duda nila, mayroong espiya sa kanilang hanay kaya nahaharang ang kanilang mga ginagawa.
Tingin ng ilan, ipinahiya ng Ombudsman ang kanilang sarili ng maghain sila ng mosyon upang baguhin ang kanilang isinampang kasong plunder laban kina Enrile, Estrada at Revilla.
Ang gusto raw ng prosekusyon ay mapalakas ang kaso laban sa mga senador at gawin silang mga mastermind sa pork barrel fund scam.
Wala naman sigurong masama sa gusto nila, pero mukhang nagkaroon ng bala ang tatlong senador laban sa kanila. Ang sabi nila, mahina ang kaso kaya gustong amyendahan.
Hindi pinagbigyan kaya nananatiling tanong kung ang plano nga ba ng prosekusyon ay kunin sina Janet Lim Napoles at Dennis Cunanan, on-leave director general ng Technology Resource Center bilang mga state witness.
Ang pagkakaintindi ko sa amended complaint, ididiin ang mga senador at ituturong utak ng scam, hindi basta tumanggap lang ng kickback.
Para maidiin ang tatlong senador, kailangang may magturo sa kanila. At ang makapagtuturo na inimpluwensyahan nila ang implementing agency ay si Cunanan.
Remember sabi ni Cunanan tinawagan siya ni Sen. Bong para maaprubahan ang paglalagay ng kanyang pork barrel fund sa mga non-government organization ni Napoles.
Si Napoles makapagpapatunay (marahil) na nagpadala siya ng pera sa mga senador o kanilang mga staff.
Marahil ay magkaka-alaman na kung mahina talaga ang kaso kapag nadesisyunan na ng Sandiganbayan ang mosyon nina Sen. Jinggoy at Sen. Bong na makapaglagak ng piyansa sa non-bailable offense na pandarambong.
Hindi pa nagpalalabas ng resolusyon ?ang Sandiganbayan Third Division sa kaso ni Enrile kung may probable cause kaya wala pa siyang mosyon para magpiyansa.
Kung mapagbibigyan, mahihirapan na ang prosekusyon na maibalik sa kulungan ang mga senador.
Kapag nangyari ito, mapapahiya ang Ombudsman.
Baka natulungan pa nila sina Revilla at Estrada para manalo sa 2016 elections. Sen. Jinggoy para manalo sa 2016 elections.
May mga natatakot naman na baka magdesisyon ang mga justice ng Sandiganbayan pabor sa mga senador para ipahiya lamang si Pangulong Aquino.
Bakit? May mga masama kasi ang loob kay presidente.
Nang italaga ng Pangulo si Justice Amparo Cabotaje-Tang bilang presiding justice ng Sandigan, maraming justices ang naapakan.
Kaya maaaring merong mga nagsisintimeynto. 30