TV5 director gagawing 2nd wife si Ritz Azul


KINUMPIRMA ni Direk GB Sampedro sa ginanap na presscon ng Celebrity Dance Grand Battle ng TV5 na sweet nga sila ni Ritz Azul sa shooting ng “Separados”.

Natatawang sabi sa amin ni direk GB, “getting there” ang relasyon nila ngayon ng Kapatid actress, “Hindi ko lang alam kung siya (Ritz), e, ako lang ang dini-date rin,” sambit ng direktor.

Nalaman namin na may ibang batang aktor din palang nanliligaw kay Ritz na halos kaedaran din niya kaya siguro asiwa si direk GB kasi nga naman, 18 years ang agwat ng edad nila ng batang aktres.

“Sa akin naman, hindi (problema) ang age, e, numero lang ‘yan, as long as nagkakasundo kayo ng pinag-uusapan,” salag ng direktor.  At inamin din nito na tatlong taon lang ang tanda ni Ritz sa panganay niyang anak na edad 17 na.

Sabi naman namin kung kami kay Ritz ay mas pipiliin namin si direk GB kasi may patutunguhan na ang buhay, emotionally at financially stable na kumpara sa binanggit na young actor na nanliligaw na gumagawa pa lang ng pangalan at wala pang ipon.

Natawa kami sa sagot sa amin ni direk GB, “Ha-hahaha! Sana malaman niya (Ritz) ‘yan.” Na sinagot namin ng, “Sigurado yun dahil isusulat namin.”

Kuwento naman ni direk GB tungkol sa pelikulang “Separados”, “2006 ko pa ito nasulat kaso natitigil ako kasi may iba pa akong ginagawa. Mas nauna ko pa itong sulatin kaysa sa ‘Astig’ na ginawa ko noong 2009.

“For some reasons natitigil ako, feeling ko, kulang ‘yung istorya, natapos ko sulatin (Separados), 2013, seven years, kasi very close sa akin ‘yung istorya kasi, di ba, separated ako 2005,” kuwento ni direk GB.

Anim na lalaking magkakaibigan ang kuwento at lahat na may mga asawa na at lahat nahiwalay. Si Ritz daw ang magiging second wife ng isa sa bida sa pelikula na sinundot namin ng, “Siya rin ang magiging second wife mo?”

“Ha? Tingnan natin, kaya ayaw kitang kausap, ang galing mong lumiko,” natawang sagot sa amin ni direk. “Ang akin lang, e, ini-enjoy ko ‘yung time na nagkakakilala kami, malay mo, baka hindi naman ako ‘yung tipo ng lalaking gusto niya.”

Bukod sa pagdidirek ng Face The People ay abala rin si direk GB sa post-production ng “Separados” na ipalalabas na sa Agosto 1 for Cinemalaya  at may plano rin siyang isali ito sa mga international film festival.

“Nagpo-produce rin ako ngayon ng album, original soundtrack ng ‘Separados’, sina Erik (Santos), Jaya at Lara Maige (PhilPop) kasi ako rin ‘yung nagsulat ng ibang kanta,” kuwento ni direk GB.

( Photo credit to ritz azul official fanpage )

Read more...