Bosh susubok na rin sa NBA free agency


MIAMI — Nauna si LeBron James bago sinundan ni Dwyane Wade makalipas ang ilang araw at ngayon ay kasama na rin si Chris Bosh na susubok sa NBA free agency ngayong summer.

Kaya naman ang Big 3 ng Miami Heat ay magiging malaya na makipag-usap sa ibang koponan sa ngayon.

Sa panig ni Miami Heat president Pat Riley ito naman ang pagkakataon para mas mapabuti ang kanyang koponan.

Sinabihan ni Bosh ang Heat kahapon na katulad nina James at Wade ay gagamitin niya ang ‘early termination option’ sa kanyang kontrata at ipagpaliban ang huling dalawang taon ng kanyang kasunduan sa Miami para maging isang free agent.

Ang naging hakbang ni Bosh ay inaasahan naman at magbibigay ito ng pagkakataon para sa Heat na magkaroon ng higanteng pambayad para makakuha ng mga mahuhusay na manlalaro sa opisyal na pagbubukas ng free agency bukas.

Ang desisyon ni Bosh ay ang huling inaantabayanan ng Heat para mapaluwag ang kabuuang halaga na kanilang ipapambayad sa pagpasok nito sa free agency.

“Chris is one of the most versatile and dynamic big men in this league, and he has been an instrumental key to our championship success over the last four seasons,’’ sabi ni Riley sa isang kalatas na inilabas ng Heat. “We look forward to meeting with Chris and his agent in the coming days to discuss keeping him in Miami for many years to come.’’

Ganito rin ang naging sentimyento ni Riley nang parehong nagdesisyon sina James at Wade na gamitin ang kanilang contract option.

“I like it here,’’ sinabi kamakailan ni Bosh, na nag-average ng 16.2 puntos nitong nakalipas na season. “It’s Miami. Enough said. People are dying to get here.’’

Katulad ni James, kikita sana si Bosh ng $20,590,000 ngayong  darating  naseason, at $22,112,500 sa 2015-16 season. Mas mababa naman ang makukuha ni Wade sa susunod na dalawang taon subalit sa pagitan ng tatlong manlalaro at Udonis Haslem — na hindi ginamit ang kanyang player option para kumita ng $4.6 milyon sa susunod na season — aabot sa $66 milyon ang magiging pasuweldo sana ng Miami kung hindi nag-iba ang kanilang mga desisyon.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...