Mga Laro Ngayon
(The Arena)
12 nn. Perpetual Help vs Mapua
2 p.m. Arellano vs Lyceum
MAKIKILATIS ngayon ang kalidad ng University of Perpetual Help Altas habang ang mga mata ay itutuon din sa bagong coach sa liga na si Jerry Codiñera sa pagpapatuloy ng NCAA Season 90 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Altas ang Mapua Cardinals sa unang seniors game sa ganap na alas-12 ng tanghali bago tumapak ng court ang tropa ni Codiñera na Arellano Chiefs laban sa Lyceum Pirates dakong alas-2 at ang mananalo ay makakasalo ng San Beda at San Sebastian sa liderato.
Pumasok ang Altas sa Final Four sa nakaraang dalawang seasons at malaking dahilan nito ay ang pagkakaroon ng foreign players na sina Nosa Omorogbe at Femi Babayemi.
Ang dalawa ay wala na sa lineup ngayon ngunit tiwala ang beteranong coach Aric del Rosario na kaya pang kuminang ng Altas sa taong ito.
“Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga players makakaya namin ito,” wika ni Del Rosario.
Ang opensa ay pamumunuan ng Rookie of the Year noong nakaraang taon na si Juneric Baloria habang ang suporta ay manggagaling kina Harold Arboleda, Justin Alano at Earl Thompson.
Ipantatapat ng Cardinals ang determinasyong makasabay sa katunggali lalo pa’t wala na sa koponan ang dating inaasahan na si Kenneth Ighalo habang si Mark Brana ay hindi magagamit dahil sa academics at may injury pa si Josan Nimes.
Si Codiñera ang ipinalit kay Koy Banal para bigyan ng ningning ang kampanya ng Chiefs sa taong ito.
May anim na buwan na rin si Codiñera sa koponan at ang epekto nito ay makikita laban sa Pirates na hanap ang maipagpatuloy ang magandang kampanya noong nakaraang taon.
Tumapos ang Pirates bitbit ang 8-10 karta at naipanalo pa ang huling apat na laro.
Mas matibay ang diskarte ng Lyceum ngayon dahil makakasama sa bench ni coach Bonnie Tan ang beteranong mentor na si Glenn Capacio.
Magkasalo sa unang puwesto ang Red Lions at Stags nang talunin ng una ang host Jose Rizal University Heavy Bombers (57-49) habang nagwagi ang huli sa Letran Knights (85-83) sa pagbubukas ng liga noong Sabado.