SA kamay ng 37-anyos overseas Filipino worker sa Abu Dhabi, United Arab Emirates na si Elmer Haya iaasa ang hangarin ng Pilipinas na mapanalunan ang 2014 World 9-Ball Championship na pinaglalabanan sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar.
Minalas si Haya na siyang natokahan para makalaro ng dalawang kababayan sa Last 16 at quarterfinals para maiwang nag-iisa na lamang na balikatin ang laban ng Pilipinas.
Unang nanalo si Haya kay Raymund Faraon, 11-8, bago isinunod si Johann Chua, 11-7, para umabot sa semifinals ng torneong nilahukan ng 128 manlalaro.
Si Antonio Gabica, na binalak na mahigitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong nakaraang taon, ay hindi nakalusot kay Albin Ouschan ng Austria sa Last 16.
Ito ay kahit naunang nakarating sa hill si Gabica, 10-7, pero bumigay ang kanyang mga tumbok sa sumunod na apat na racks para matalo pa sa 10-11 iskor.
Si Carlo Biado na pumasok sa semifinals noong 2013, ay umabante pa sa quarterfinals pero natalo siya kay Niels Feijen ng Netherlands, 11-7.
Magkakaroon ng pagkakataon si Haya na maipaghiganti ang pagkatalo ng kababayan kay Feijen dahil sila ang magkatapat sa semifinals kagabi.
Tinalo ni Ouschan si Li He Wen ng China, 11-8, sa quarterfinals at nakipagsukatan kay Chang Yu Lung sa isang pares sa semifinals. Umabot si Chang sa yugtong ito nang patalsikin si Shane Van Boening ng USA, 11-8.