Matindi ang pagmamahal ni Karla Estrada sa pinagmulan nitong probinsiya. Nu’ng manalasa ang bagyong Yolanda sa Tacloban ay gumawa ng paraan ang singer-actress para maka-tulong sa kanyang mga kababayan.
Truck-truck na relief goods ang ipinabiyahe nito sa kanilang probinsiya, ang kanyang anak na si Daniel Padilla ang nanguna sa repacking ng mga donasyon, ganu’n katinding tumanaw ng utang na loob si Karla sa probinsiyang naging saksi sa kanyang paglaki.
Bukas ay magkakaroon ng libreng show sa Tacloban si Daniel Padilla, guest niya sa nasabing palabas ang kanyang ka-loveteam na si Kathryn Bernardo, kasamang magtatanghal ni DJ ang kanyang banda sa kabuuan ng show.
Pero may mga tauhan ng munisipyo ng Tacloban na nangunguwestiyon sa show, ipinatatanggal ng mga ito ang mga tarpaulin at streamers ng mga nagmagandang-loob kay Daniel na matuloy ang show, wala raw kasi silang permit mula sa munisipyo.
Nakapagpakita ng permit ang kampo ni Karla, nagbayad sila, kaya ano’ng karapatan ng mga tauhan ng city hall para ipabaklas ang mga tarpaulin nila na ang iba’y nakasabit pa nga sa mga gusaling ang may-ari ay mga mismong kaibigan nila?
Sa halip na mang-ipit, dapat nga ay magpasalamat pa ang mga taong ‘yun dahil isang libreng show ang gagawin ng sikat na heartthrob, walang bayad ang panonood at wala rin silang ibinebentang kung ano-ano sa grandstand para pagkakitaan ng mag-ina.
Napakadaling humusga na wala na nga silang ginastos na kahit singkong duling para sa show ni Daniel Padilla para sa kanilang fiesta ay nagmamarakulyo pa sila.
Alam ba nila kung ilandaang libong piso ang talent fee ngayon ni DJ sa pagso-show? Para lang sa kanilang mga kababayan ang gagawing show ng young actor, para lang pangsamantalang malibang ang mga taga-Tacloban sa nakaraang hagupit ni Yolanda na dumaluyong sa kanila, pero pinahihirapan pa ng ilang tao sa city hall ang grupo ni Daniel Padilla?
Aba naman. Teka lang muna. Maghunos-dili kayo!
( Photo credit to daniel padilla official fanpage )