Ngayon ang mismong kaarawan ni Willie Revillame, singkuwenta’y uno anyos na ngayon ang aktor-TV host, nagkaedad siya na merong pinagkatandaan.
Nu’ng isang gabi lang ay nagpunta kami sa bahay ni Willie sa Ayala Heights, habang nagho-host siya ng Wil Time, Bigtime ay kasama naman naming nandu’n sa kanyang bahay sina Richard Pinlac, ate Tess Mationg na tatlong dekada na niyang sekretarya, at ang mag-asawang Zaldy at Tessa Aquino na gustong maikot ang buong kabahayan para magaya sa ipinagagawa nilang bahay.
Naupo kami sa paboritong lugar ni Willie, ‘yun ang lugar kung saan kitang-kita ang swimming pool, ang napakaganda niyang garden na ugali na niyang pagmasdan tuwing umaga.
Para kang nasa paraiso sa bahay ni Willie, puro luntian ang kapaligiran, ginagastusan talaga niya ang malawak niyang garden dahil mahilig siya sa mga halaman.
Ipinababago na naman niya ang lahat ng tiles ng kanyang banyo, tatlo sa itaas at apat sa ibaba, kapag naninilaw na kasi ang tiles ay gusto na niyang papalitan ‘yun ng bago.
Sa pag-iikot namin sa buong bakuran ni Willie ay isa lang ang naisip namin, napakabait sa kanya ng Diyos, natupad ang lahat ng kanyang mga pangarap at hindi lang isa ang ibinigay sa kanya kundi tatlong bahay at tatlong gusali bilang paghahanda sa kanyang kinabukasan.
At hindi naman nakapagtataka kung makuha man niya ang lahat ng kanyang hinihiling, araw at gabi kung magtrabaho ang aktor-TV host, marunong din siyang humawak ng kanyang pera at tapos na siya sa panahon na puro granatsa lang ang kanyang iniisip.
Maligayang kaarawan sa isang taong may mabuting kalooban, maligayang kaarawan sa mahal na Papi ng ating mga kababayan, maligayang kaarawan kay Willie Revillame!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.