SA labanan ng dalawang Grand Slam coaches, siguradong maaasahan natin ang matitinding ‘fireworks.’
Iyan ang nasasaksihan natin sa duwelo nina Tim Cone ng San Mig Coffee at Norman Black ng Talk ‘N Text.
Ang dalawang ito ang arkitekto ng dalawa sa apat na Grand Slams na nabuo sa 38 taong kasaysayan ng PBA.
Ang unang dalawang Grand Slams ay pag-aari ng Crispa na nakakumpleto ng Triple Crown noong 1976 at 1983. Ang unang Grand Slam ay ginawa ni Virgilio “Baby” Dalpuan at ang ikalawa ay kay Tommy Manotoc.
Si Black ang nagbuo ng ikatlong Grand Slam noong 1989 nang hawak pa niya ang San Miguel Beer. Kay Cone naman ang ikaapat noong 1996 nang hawak pa niya ang Alaska Milk.
So, ma-drama ang pagtatagpo ng Tropang Texters at Mixers dahil sila ay hawak ng mga Grand Slam coaches.
Animo’y didiretso na sa Finals ang San Mig Coffee nang magwagi ito sa Game One (92-88) at Game Two (93-85). Pero hindi nagawa ng Mixers na walisin ang Tropang Texters.
Nakabangon ang Talk ‘N Text na nanalo sa Game Three (112-86) at Game Four (84-81).
At heto ang siste, mukhang sa labanan ng Grand Slam coaches ay nauutakan ni Black si Cone.
Kasi nagsusugal si Black sa huling dalawang laro nila. Naniniguro naman si Cone pero nabigo.
Paanong nangyari ito?
Well, ginamit ni Black lahat ng kanyang manlalaro.
Napulaan kasi si Black na masyadong concentrated sa kanyang starters kung kaya’t napapagod sila. Malalim naman ang bench ng Talk ‘N Text at dapat ay gamitin niya ang lahat upang sagutin ang ilalim ng San Mig Coffee.
Kasi nga, sa unang dalawang games at sa kabuuan ng elims, hindi lang first five ang nagagamit ni Cone. Mas matindi nga kapag ang second five ang naglalaro.
Pero sa Game Four, aba’y ibinabad ni Cone nang husto ang kanyang mga starters. Hindi nga nagamit ang mga tulad nina Justin Melton, Ronnie Matias at Rafi Reavis, e. Pahapyaw din ang gamit kina Ian Sangalang, Allein Maliksi at Alex Mallari.
Kunsabaga’y gusto na talaga ni Cone na tapusin ang serye kung kaya’t hindi na niya halos pinagpahinga ang kanyang mga starters. Tutal nga naman ay sa Hulyo 1 o Martes pa mag-uumpisa ang best-of-five Finals. Mahaba-haba ang pahinga.
Pero ang nangyari ay nagkaroon ng overtime at natalo ang Mixers. Pagod na pagod na ang starters, talo pa.
Iyan ang scenario para sa San Mig Coffee papasok sa Game Five mamaya.
Pagod ang Mixers, presko naman ang Tropang Texters.
Aba’y tila nasa panig ng Talk ‘N Text ang bentahe!
‘Di ba?