Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Talk ‘N Text vs San Mig Coffee
NALIPAT na ang momentum sa panig ng Talk ‘N Text sa duwelo nila ng San Mig Coffee sa sudden-death para sa karapatang pumasok sa best-of-five championshp round ng PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nakabawi ang Tropang Texters sa kabiguang sinapit sa Game One sa overtime (92-88) at Game Two (93-85) nang magpakita ng kakaibang intensity mula roon.
Tinambakan ng Talk ‘N Text ang San Mig Coffee sa Game Three, 112-86, at pagkatapos ay nanaig sa overtime sa Game Four, 84-81, upang itabla ang serye 2-all noong Miyerkules.
“I really don’t know if momentum has swung our way but I can say that we have played with more intensity and desire in the last two games,” ani Talk ‘N Text coach Norman Black na nais wakasan ang pangarap na Grand Slam ng Mixers.
Sa huling dalawang laro ay ginamit ni Black ang lahat ng mga manlalarong nasa bench at nagbunga ito ng maganda.
“Apparently, a ten-man rotation has not worked early in the series and so I decided to use all my players,” ani Black.
Nanaig sa kanilang duwelo si Paul Harris kontra kay Marqus Blakely sa Game Four nang magtala ito ng 22 puntos kontra 12 ng San Mig Coffee import. Sinuportahan si Harris nina Jayson Castro at Larry Fonacier na kapwa nagtala ng 11 puntos.
Sa kabilang dako, si San Mig Coffee coach Tim Cone ang siyang gumamit ng maikling rotation. Siyam na manlalaro lang ang pinaglaro ni Cone.
Pinamunuan ng two-time Most Valuable Player na si James Yap ang atake ng Mixers nang magtala ito ng game-high 23 puntos kabilang na ang buzzer-beater na nagtabla sa iskor, 74-all, sa pagtatapos ng regulation. Gumawa ng tig-12 puntos sina Marc Pingris at Peter June Simon at nag-ambag ng 11 si Mark Barroca.
Sa kabila ng pagkatalo sa huling dalawang laro ay inaasahang makakagawa ng mga adjustment si Cone upang buhayin ang kanilang tsansa para sa ikaapat na sunod na titulo at Grand Slam.