4 PINOY PASOK SA ROUND-OF-16

LALO pang bumangis ang laro na ipinakikita ni Johann Chua para pangunahan ang apat na Filipino cue artists na nanalo sa unang session ng Last 32 sa 2014 World 9-Ball Championship kahapon sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar.

Matapos ang 11-4 panalo kay Daniele Corrieri ng Italy sa Last 64 ay mas matinding 11-3 panalo ang kinuha ni Chua laban kay Konstantin Stepanov ng Russia para pumasok na sa Last 16.

Makakaharap naman niya sa Round-of-16 ang Qatari na si Waleed Majed na isinunod na sinilat kay Lee Vann Corteza ng Pilipinas si dating World champion Darren Appleton ng England, 11-9.

Nagwagi rin si 2013 semifinalist Carlo Biado kay Jason Klatt ng Canada, 11-5; si Raymund Faraon ay nangibabaw kay Wang Can ng China, 11-7; at si Elmer Haya ay nangibabaw kay Hijikata Hayato ng Japan, 11-8.

Minalas naman na magkakatapat sina Faraon at Haya sa sunod na yugto habang si Biado ay kasukatan si Ko Pin Yi ng Chinese Taipei. Umabante si Yi gamit ang 11-10 panalo kay Naoyuki Oi ng Japan.

Sina Antonio Gabica at Ramil Gallego ay naglalaro pa habang isinusulat ang balitang ito at katapat ng 2013 runner-up na si Gabica si Ryu Seung Woo ng Korea habang si Nick Van Den Berg ang kalaro ni Gallego.

Ang Last 16 at quarterfinals ay tinapos kahapon habang ang semifinals at finals ay gagawin ngayon.

Bagong kampeon ang lalabas matapos ang kompetisyong sinalihan ng 128-manlalaro dahil namaalam na si defending champion Thorsten Hohmann ng Germany sa kamay ng hindi-kilalang si Marc Teutscher ng Netherlands,  9-11.

Read more...