NITONG mga huling linggo, bumuhos sa ating email ang mga press releases ng Magdalo. Naroon iyong magdiriwang ng birthday sa Nueva Ecija, iyong wala pa silang sinusuportahang kandidato pagkapangulo, atbp. Naniniwala ba kayo sa adhikain ng mga rebeldeng sundalo na tinawag pa nila ang kanilang grupo na Magdalo (hindi ganito ang pananaw ng Partido Magdalo ng Cavite at ng makasaysayang Magdalo noong panahon ng himagsikan)? Kung may suporta ng taumbayan ang Magdalo, sa kabila ng 11 milyon na bumoto kay Sen. Trillanes, di sin sana’y ipinagtanggol na sila laban sa gobyernong ito. Nasaan ang supporters ng Magdalo? Ang pagkakaalam ng lahat, mas marami ang nasa likod ng Alyansa ng Sabungero at Tricycle Operators Drivers Association. Magdalo ka ba?
BANDERA Editorial, September 17, 2009