Bangayang Erap-Ping, mabuti sa bansa

ANG tapunan ng mga basura sa isa’t isa nina Sen.Ping Lacson at dating Pangulong Erap ay mabuti para sa publiko. Dahil sa paghuhugas nila ng kanilang maruming kumot sa publiko, nalalaman tuloy ng taumbayan ang tunay nilang pagkatao. Nabubunyag tuloy ang kanilang masasamang gawain noong nasa kapangyarihan pa sila. Kung ang akala ni Lacson ay kinakagat ng taumbayan ang kanyang istorya tungkol kay Erap ay nagkakamali siya. Oo nga’t naniniwala ang taumbayan sa mga bintang ni Lacson sa kanyang dating amo, pero alam nila na meron siyang agenda at binabayaran siya upang siraan si Erap. Kung malinis ang kanyang hangarin, bakit ngayon lang niya ibinubunyag si Erap pagkatapos ng maraming taon? Akala ba ni Lacson ay hindi maniniwala ang publiko kapag ibinunyag din ni Sen. Jinggoy Estrada, anak ni Erap, sa privilege speech ang kanyang katarantaduhan? Siyempre, maniniwala ang publiko sa kanilang dalawa dahil alam nila ang baho ng isa’t isa. Natutuwa nga ang publiko sa ginagawa nina Ping at Erap sa pagtatapon ng mga basura sa isa’t isa dahil mahilig ang Pinoy sa tsismis. * * * Ang totoo niyan, tarantang binabae si Lacson ngayon dahil sa pagkakasangkot niya sa pagpatay kina PR man Bubby Dacer at Emmanuel Corbito. Idinawit siya sa double murders ni dating Senior Supt. Cezar Mancao na kanyang dating tauhan sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOC-TF). Alam ni Lacson na ibubunyag lahat ni Mancao ang kanyang kinalaman sa Dacer-Corbito murder case kapag sinimulan na ang pagdinig ng kaso. Nagalit si Lacson kay Erap dahil sinabi ng huli na dapat ay panagutin siya sa pagpatay kina Dacer at Corbito dahil mga tauhan niya sa PAOC-TF ang involved. Kaya’t natataranta si Ping Lacson laban kay Erap. Hala bira, Ping! Hala bira, Erap! Gustong-gusto ng taumbayan na marinig ang mga katarantaduhan ng ginawa ninyong dalawa noon. * * * May kasabihan sa ating mga Pinoy na walang baho na di lalabas pagdating ng araw. Ang akala siguro nina Ping at Erap ay matatakpan ang kanilang mga katarantaduhan noong nasa poder pa sila. Ang di nila alam ay may Law of Cause and Effect o batas ng karma. Kung ano ang ginawa mo sa iyong kapwa ay babalik din sa iyo. Walang utang sa mundo na di pinagbabayaran. Maaaring makaliligtas ka sa iyong krimen sa hustisya ng tao, pero di ka makaliligtas sa karma. Walang nakaliligtas sa hustisyang karma. Nakakarma na ngayon sina Ping at Erap sa kanilang masasamang gawain noon. * * * Maraming nagbabasa ng Bandera ang hanggang ngayon ay humahanga pa rin kay Erap at naniniwala na siya’y biktima ng frame-up ng civil society at Simbahang Katolika. Mag-isip isip naman po kayo. Alam kong may sarili kayong katalinuhan dahil marunong kayong magbasa at makinig. Sa mga sinabi ni Lacson kay Erap, sinasamba pa rin ba ninyo ang inyong idolo? Maaaring sasabihin n’yo na may dagdag ang sinabi ni Lacson tungkol kay Erap, pero tandaan ninyo na may katotohanan ang mga ito. Nabubulagan kayo dahil siya’y artista at hanging-hanga kayo sa kanyang acting talent. Dapat ihiwalay ninyo ang pelikula sa tunay na buhay. Sa pelikula, mabait ang papel ni Erap, pero sa tunay na buhay wala siyang kuwentang tao. Ako man ay bumoto sa kanya at ipinagtanggol siya in the early days of his presidency dahil kaibigan ko siya. Pero di kalaunan, nakita ko ang tunay na kulay ni Erap bilang lider ng bansa. Mon Tulfo, Target ni Tulfo BANDERA 091709

Read more...