Kumpleto na ang Coca-Cola Tigers

ANG Coca-Cola pala ang pinaka-busy na koponan sa offseason ng Philippine Basketball Association.
Ang buong akala ko’y anim lang ang bagong manlalaro ng Tigers. Yun pala’y pito ang idinagdag ni coach Kenneth Duremdes sa kanyang line-up papasok sa 35th season ng PBA na magsisimula sa Oktubre 4.
Nakumpleto ang kanilang line-up noong Lunes nang mag-ensayo sa Moro Lorenzo Gym sa unang pagkakataon ang bagong recruit na si Dennis Espino na pinakawalan ng Sta. Lucia Realty kapalit ng isang future draft pick.
Bagamat may edad na si Espino ay tiyak namang paki-kinabangan siya ng Tigers. Alam ni Duremdes ang kanyang kakayahan lalo na sa depensa. Dati silang mag-kasama sa poder ng Realtors, hindi ba?
Maski nga si Paul Asi Taulava, na siyang main man ng Tigers, ay tuwang-tuwa sa pagkakalipat ni Espino dahil tiyak na mababawasan ang load sa kanyang balikat. Bukod dito, puwede ding si Espino ang siyang maging leader ng Tigers kahit na bagong lipat siya.
Isa pa, parang swak na swak kay Espino ang pagka-kalipat. Aba’y alalahanin natin na si Espino ay dating “King Tiger” noong naglalaro pa sya sa University of Santo Tomas. Siya ang pinakamalaking dahilan ng pagkakapanalo ng Growling Tiges ng apat na sunod na kampeonato sa UAAP noong 1980s.
Nagsimula ang kanyang career bilang isang Tiger at malamang na magwakas ang career niya bilang isang Tiger din! Very fitting, hindi ba?
Bukod kay Espino, kinuha din ng Tigers si Norman Gonzales na inilaglag sa line-up ng Sta. Lucia. Isa pa ito sa mga manlalarong kabisado ni Duremdes. Hard worker si Gonzales at bagamat under-sized ay puwedeng makipag-sabayan sa pagkuha ng rebounds. At mayroon pa itong decent touch buhat sa three-point area.
Ang limang iba pa’ng bagong players ng Coca-Cola ay sina Ken Bono, Marvin Cruz, Larry Rodriguez at rookies Chris Ross at Francis Allera.
Sina Bono at Cruz ay galing sa Burger King. Actually, si Bono ay nagbuhat sa San Miguel Beer pero hindi na kinailangan ng Whoppers kung kaya’t ipinamigay sa Coca-Cola. Gaya ni Duremdes, si Bono ay produkto ng Adamson Falcons at nagwagi bilang Most Valuable Player ng UAAP noong 2006.
Sina Cruz at Ross ay magpapatatag ng backcourt ng Tigers. Si Ross, na third pick overall sa nakaraang PBA Draft, ay MVP ng nakalipas ng PBL Unity Cup.
Si Allera ay isang swingman buhat sa UST samantalang si Rodriguez ay isang mahusay na rebounder na aling naman sa Barako Bull.
Mukhang kumpleto na ang Tigers at ang puprub-lemahin ni Duremdes mula ngayon hanggang Oktubre 4 ay ang chemistry at teamwork. Pero dahil mga beterano ang kinuha niya, madali na iyon!

Barry Pascua, Lucky Shot, BANDERA 091609

Read more...