6 Pinoy rumatsada agad sa World 9-Ball Championship

NAMURO agad ang anim na Filipino pool players sa puwesto sa knockout round nang manaig sa kanilang unang laro sa pagsisimula ng 2014 World 9-Ball Championship sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar noong Sabado.

Ang runner-up noong nakaraang taon na si Antonio Gabica ang nanguna sa hanay ng mga Filipino na kailangan na lamang na manalo ng isa pa upang maalpasan ang group stage mula sa winner’s side.

Tinalo ni Gabica, na kasapi na ng coaching staff ng Qatar national team, si Kou Po Cheng ng Chinese Taipei, 9-5, sa Group 4.

Bumangon mula sa 6-8 iskor si Dennis Orcullo tungo sa 9-8 panalo kay Jason Klatt ng Canada sa Group 7 habang ang iba pang nanalo ay sina Warren Kiamco kay Stephan Cohen ng France, 9-7, sa Group 6; si Carlo Biado kay Nour Wasfi Al-Jarrah ng Jordan, 9-3, sa Group 8; si Raymund Faraon kay Denis Grabe ng Estonia,  9-8, sa Group 9 at si Elvis Calasang kay Marzen Berjaoui ng Lebanon, 9-3, sa Group 10.

Hindi naman pinalad sina Efren “Bata” Reyes, Ramil Gallego at Francisco Felicilda na minalas sa kanilang mga unang laban.

Read more...