SEMIS SWEEP ASINTA NG SAN MIG COFFEE

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. San Mig Coffee vs Talk ‘N Text

SISIKAPIN ng defending champion San Mig Coffee na tapusin na ang Talk ‘N Text at makumpleto ang sweep ng PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup best-of-five semifinal round sa kanilang pagtatagpo sa Game Three mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang Mixers, na naghahangad ng Grand Slam, ay mayroong 2-0 kalamangan sa serye at isa pang panalo mamaya ay magtutulak sa kanila sa  best-of-five Finals.

Napanalunan ng San Mig Coffee ang Game One, 92-88, sa overtime. Naghabol sila sa loob ng tatlong quarter bago naitabla ang score sa 77-all sa pagtatapos ng regulation period.

Sa Game Two ay idinikta nila ang laro mula sa opening buzzer. Nagtala sila ng 32-13 kalamangan matapos ang first quarter at naghabol na lang ang Tropang Texters mula roon.

“It seemed like we were in control pretty much the whole game until the end of the third quarter. But we were fighting the whole time because we knew they were going to come back,” ani San Mig Coffee coach Tim Cone. “It’s only two wins and we need one more. We have to be prepared for a tougher Talk ‘N Text.”

Samantala, nilampaso ng Rain or Shine Elasto Painters ang Alaska Aces, 99-87, sa kanilang laro sa Big Dome kagabi para itabla ang kanilang semis series sa 1-all.

Pinangunahan ni Arizona Reid ang Elasto Painters sa kinamadang 27 puntos.

Read more...