INAMIN mismo sa amin ng TV5 executive na may mga umalis sa kumpanya dahil nag-early retirement, taliwas sa tsikang tinanggal at kusang nag-alisan dahil may mga pagbabago sa network na hindi gusto ng mga empleyado.
Maraming programa rin ang mawawala na at maraming taga-production ang walang trabaho. “Reggs, hindi naman nag-resign dahil hindi gusto ang nangyayari, kundi nag-early retirement sila for better opportunities.
Siyempre ‘yung iba, may edad na, si-guro gusto nilang mag-business sa nakuha nilang pera, as simple as that. Kung anuman ang naririnig mong intriga, let it go, hindi ‘yan totoo!” paliwanag sa amin ng taga-TV5.
Paanong hindi mamamaalam ang maraming shows ng TV5, e, hindi naman nagri-rate? “Ano ka ba, meron naman, masyado kang biased,” paninita nito sa amin.
Oo nga naman, ang romantic-comedy serye nilang Confession of A Torpe ang tanging nagri-rate at nag-babu na sa ere kagabi. Wish lang namin ay mag-rate rin ang ipapalit na programa.
Nagwo-worldwide trending din ang SpinNation ni Jasmine Curtis na maski madaling araw na ito napapanood ay trending pa rin, ibig sabihin ay marami talagang nag-aabang sa show kahit late na late na? Sa totoo lang, hindi pa rin namin maintindihan ang takbo ng show ni Jasmine.
“Ha-hahahaha! Matanda ka na kasi, pambagets ang show, ikaw talaga,” tukso sa amin ng katsika naming TV5 executive.
Samantala, ibinalik na pala sa ere ang Jasmine matapos matigil ang airing ng second episode nito dahil mismong ang direktor ng show na si Mark Meily ang nagpahinto ng taping dahil nalaman nilang may totoong “stalker” sa set.
At noong Linggo ay umere na raw ang ikalawang episode ng Jasmine na akala ng lahat ay nag-replay lang dahil kasama ang last part ng first episode sa unang gap ng ikalawang episode. Ask namin sa TV5 executive, nagre-rate ba ang Jasmine?
“E, siyempre talo ng katapat na shows ng ABS (CBN), itapat ba naman sa The Voice Kids at kay Vice Ganda (GGV), ano ang aasahan mo?” mabilis na sabi ng kausap namin.
Bakit kasi itinapat ang Jasmine sa dalawang malakas na programa ng ABS-CBN, parang pader na rin ang binangga nila? “Yun kasi ang available na timeslot for Jasmine, nasa programming kasi,” pag-amin ng ehekutibo ng TV5.
Hindi ba ito napag-aralang mabuti? Sino ba ang in-charge sa programming ng TV5? At dahil semplang ang rating ng Jasmine ay inagahan na raw ang timeslot nito, mapapanood na ito tuwing 5 p.m. at may replay ng 10 p.m..
Nakakaloka! Dalawang beses mapapanood ang Jasmine sa isang araw at pareho pang gabi? Okay pa sana kung isang umaga at isang gabi, hayz!
( bandera.ph file photo )