HINDI talaga ukol kung kaya’t hindi bumukol para sa Barangay Ginebra San Miguel.
Maganda na sana ang naging simula ng kanilang quarterfinal game kontra Alaska Milk noong Miyerkules dahil sa nakagawa kaagad ng 9-0 start ang Gin Kings. Nabigo nga lang silang maipagpatuloy ang kanilang intensity at nakabawi ang Aces.
Pero ang pinakamabigat na dagok na nangyari ay ang pagkakaroon ng injury ng import na si Zaccheus Mason sa umpisa ng second quarter.
Pa-drive si Mason nang biglang napahilahod siya at nahirapang tumayo. Inalalayan siya palabas ng hardcourt dire-diretso sa kanilang dugout.
Hindi na nagamit si Mason sa first half kung saan nagtala ng anim na puntos na abante ang Aces at hindi na lumingon pa.
Nagbunyi pansamantala ang mga fans ng Barangay Ginebra nang bumalik si Mason at nag-shootaround sa halftime break.
Sa umpisa ng second half ay ginamit siya ni coach Jeffrey Cariaso. Pero wala na siyang nagawa. Inilabas na siya matapos ang halos dalawang minuto at hindi na muling ibinalik.
Ayon sa mga insiders, si Mason ay nagtamo ng injury sa tuhod. Hindi pa sigurado kung MCL o ACL pero sasailalim pa siya sa pagsusuri.
Kahit na all-Filipino ang Gin Kings ay pinilit nilang makapagbigay ng magandang laban. At dikit sa isang yugto ng laro ay tatlo lang ang lamang ng Aces. Pero hindi naipagpatuloy ng Barangay Ginebra ang rally at tuluyan na ngang lumayo’t nanalo ang Alaska Milk upang pumasok sa semifinals.
Maaga ang naging bakasyon ng Barangay Ginebra.
Maganda sana ang umpisa ng Gin Kings sa ilalim ni Cariaso dahil sa nagwagi sila sa unang apat na laro. Pero matapos iyon ay isang panalo na lang ang kanilang naitala sa sumunod na anim na laro.
Ngayong tuluyan na nga silang nagbakasyon, naitanong kay Cariaso kung ano ang mga naging kamalian sa unang conference niya as coach. Ano ang kanyang pinanghihinayangan?
“It was expected that we’d struggle with the system. You can’t learn it overnight. But we tried,” aniya. “If at all, there are a couple of games we could have won in order to gain a twice-to-beat advantage. It’s tough not having that, not having room for error in the quarterfinals.”
Ano naman ang mga nais niyang baguhin sa kanyang koponan?
“I’m looking at a couple of players who can play two-way. We have a lot of good players as far as offense is concerned. But what we must have are defensive players. Players who are fierce and aggressive on both ends of the court,” ani Cariaso.
May apat na buwan bago magbukas ang 40th season ng PBA sa Oktubre 19.
Ibig sabihin ay matagal-tagal ang bonding ni Cariaso at ng Gin Kings. Matagal ang magiging paghahanda nila. matagal ang panahon upang mabuo ang isang tunay na champion team. Iyon ang layunin ni Cariaso.