SASANDALAN ng St. Benilde ang mapait na karanasan noong nakaraang season para mas magiging produktibo sa pagsali sa Season 90 ng NCAA men’s basketball tournament.
May limang panalo sa 18 hinarap ang Blazers noong nakaraang taon dahil ilang beses na bumigay ang koponan sa dikitang labanan.
Si Gabby Velasco ang gagabay sa koponan sa ikalawang sunod na taon at makakasama niya ang mga manlalarong sinandalan noong isang taon.
Sina Juan Paolo Taha, Mark Romero at Jonathan Grey na siyang kumamada para sa koponan, ang inaasahang magdadala ngayon sa Blazers.
Tiyak din ang pagganda ng laro ng rookie noong nakaraang taon na si Jose Saavedra habang ang iba pang magbabalik ay sina Roberto Bartolo Jr., Jeffrey Ongteco, Ralph Deles at Fil-Am Travis Jonson.
“We learned may things from last season. We are more matured now,” wika ni Velasco.
“Hopefully, we could turn those heartbreaking moments to joys of triumph this season,” dagdag pa ni Velasco.
Maliit pa rin ang Benilde pero babawiin nila ang kakulangan sa height sa pamamagitan ng bilis at husay sa pagdepensa.
Isa ang Blazers sa nakitaan ng matinding depensa noong nakaraang taon kaya’t nagawa nilang sabayan ang malalakas na katunggali.
Pero ang kakulangan ng karanasan sa endgame ang nagtulak sa koponan para matalo bagay na nais na baguhin ng Benilde sa papasok na season.
Sa Hunyo 28 magbubukas ang aksyon sa liga pero sa Hulyo 2 pa masasalang sa aksyon ang Blazers laban sa Emilio Aguinaldo College Generals.