KUNG itinuloy lamang ang proyekto ni Imelda Marcos na Greater Manila Terminal Food Market, Inc., (GMTFM), na itinayo at binuksan sa Taguig noong Dekada ’70, pagkatapos ideklara ang martial law, wala sana tayong problema sa bawang, sibuyas, bigas, atbp.
Kung itinuloy ito, maibibilang ang Pilipinas sa mga bansa na mura ang presyo ng pagkain. Para kina Arturo Tanco at Salvador Escudero, hindi magugutom ang Pilipinas dahil mataba ang lupa rito at tutubo ang anumang tanim na pagkain.
Ang GMTFM ay malawak na bagsakan ng gulay, bigas, prutas, at maging isda dahil may cold storage na itinayo rito.
Layon ng GMTFM na mula sa sakahan, ilog at karagatan ay tutuloy sa bagsakan ang yaman ng tanim at dagat. Puputulin ng GMTFM ang kita ng mapagsamantalang middlemen, ng mga negosyanteng nagpapautang sa mga magsasaka para sa kanila puwersahang ibenta ang ani sa murang halaga.
Kung mababa ang farm gate prices, konti lang ang itataas na presyo ng produkto pagdating sa bagsakan. Simpleng kuwenta lang iyan.
Pero, sinira nina Ninoy Aquino at Anding Roces ang ibig sabihin ng GMTFM. Imbes na Greater Manila Terminal Food Market, tinawag nila ito na Give Money To Ferdinand Marcos. Nasaktan ang Malacanang at nagalit si Imelda. Binago ang pangalan ng GMTFM at ginawang Food Terminal, Inc. (FTI). Ngayon, ang FTI ay nabili ng pamilya Ayala.
Ang ideya nina Imelda, Tanco at Escudero na isang bagsakan na lang ng ani ay mistulang ginaya ni Agriculture Secretary Proceso Alcala. Nagbukas si Alcala ng bagsakan sa Sariaya, Quezon at hanggang ngayon ay kumikita ito at isang lugar na lang ang pinupuntahan ng mga magsasaka’t negosyante. Nagbukas din ng ikalawang bagsakan si Alcala sa Bicol at kumikita na rin ito.
Pero, ayaw ni Alcala na tawagin itong bagsakan dahil negatibo raw. Kaya ba hinila paibaba ang sakahan at pangisdaan? Kaya ba bumagsak ang kara ng administrasyon sa mahihirap? Para maging positibo ang dalawang bagsakan, tinawag ito ni Alcala na trading post.
Nagpadala ng mga trak ng bawang ang Department of Agriculture sa mga palengke sa Metro Manila para may mabiling mura, at tinawag itong “rolling stores.” Teka, ang rolling stores ay panahon pa ni Gloria Arroyo. Walang rolling stores sa panahon ni Marcos noon dahil epektibo ang mga tindahan ng Kadiwa.
Ang bawat Kadiwa ay naglalaman ng pangunahing mga pangangailan sa bahay at kusina. Sa pamamagitan ng mga Kadiwa, napananatiling mababa ang presyo ng mga bilihin.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Kahiya-hiya itong opisyal ng Caloocan City nang kapanayamin ng isang radio reporter noong Indpendence Day. Paano ka naging taga-Caloocan at naging opisyal pa? Wala ka palang alam sa kasyasayan ng himagsikan! Pero, magaling kang puminta ng baraha. …5993
Sa radyo lang pala merong Air Force trucks na nagsasakay ng mga stranded na pasahero. Dito sa Commonwealth Market sa Manggahan, Commonwealth, walang libreng sakay ang MMDA. Dapat, alas-8 ng umaga nasa Makati na ako. Alas-10 ng umaga, nasa Manggahan pa rin ako. …4089