Isa pa para sa Spurs

KAAARANGKADA pa lang ng bangayan sa pagitan ng mga San Antonio Spurs fans at Miami Heat die-hards sa social media networks ay natapos na agad ang NBA Finals.

Kampeon ang Spurs. Luhaan ang mga Heat fans. Nagmistulang mismatch ang rematch ng NBA Finals kung saan tinapos ng Spurs ang serye, 4-1, nitong Lunes.

Nagharap sa NBA Finals ang dalawang ito noong isang taon at nanalo ang Heat, 4-3. Pero minalas-malas ang San Antonio sa Game Six at Seven kaya napunta sa Heat ang titulo.

This time, napaghandaan nang husto ng Spurs ang two-time defending champions. Ito ang ika-5 NBA title ng Spurs sa anim na pagpasok nito sa NBA Finals.

Bale noong isang taon lang sila natalo sa Finals kaya naman dinamdam nang husto ng mga Spurs ang kabiguang iyon.
Lumamang na kasi ang Spurs, 3-2, sa seryeng iyon at namumuro nang magkampeon sa Game Six.

Pero naagaw ng Heat ang panalo sa Game Six, salamat sa ‘heroic’ three-point shot ni Ray Allen na ilang ulit na pinapalabas sa mga top play countdown at highlights ng NBA TV.

Sa Game Seven ay muling naging dikitan ang laban pero sumablay sa ilang crucial plays si Tim Duncan at hindi maganda ang nilaro ni Manu Ginobili kaya napanatili ng Miami  ang kampeonato.

Dinamdam ng Spurs ang kabiguang iyon, lalong-lalo na sina Duncan at Ginobili. Sa edad ng dalawang ito ay iisipin ng karamihan na baka i-bangko na sila ni Spurs coach Gregg Popovich o di kaya’y baka hindi na nila kayang makipagsabayan sa mg mas batang NBA players.

Pero iba ang nangyari. Nag-alab ang pagnanasa nina Duncan at Ginobili na makabawi sa Heat at ipinakita ito ng dalawa sa buong 2013-14 season hanggang sa makarating muli ang Spurs sa Finals.

Nagkataon naman na Heat pa rin ang kanilang nakasagupa para sa kampeonato kaya nagkaroon ng tsansa ang Spurs na maka-resbak sa Heat.

Sa season na ito, nag-average ng 15.1 puntos, 9.7 rebounds at 49 field goal shooting ang 38 anyos na si Duncan sa season na ito. Si Ginobili, na magiging 37 years old na sa July 28, ay may average na 12.3 puntos, 4.3 assists at 3.0 rebounds kada laro.

Syempre, ang scoring leader nila ay si Tony Parker pa rin na may average na 16.7 puntos kada laro. At dahil ‘healthy’ ang Big 3 ng Spurs ay pakiramdam kong Spurs naman ang magwawagi ngayon.

Pero di ko inakala na hanggang Game Five lang aabot ang Finals.Sa apat na panalo ng Spurs sa serye ay hindi bumaba sa 14 ang kanilang kalamangan at sa tanging panalo ng Miami sa Game Two (98-96) at nagwagi lamang ito ng dalawang puntos sa Spurs.

Muntik pa ngang mabigo ang Heat sa Game Two pero nagmintis ng magkakasunod na tigalawang free throws sina Tony Parker at Duncan sa fourth period at nanalasa sa opensa si LeBron James kaya naka-isa ang Heat.

Pero ang susi ng panalo para sa Spurs ay si Kawhi Leonard. Mula nang maging agresibo siya sa opensa sabay sa paghigpit nito sa depensa ay LeBron James ay parang maging madali para sa San Antonio na tambakan ang Miami.

Kaya naman hindi na ako nagtaka kung bakit napili si Leonard bilang Finals MVP. At nagawa ito ni Leonard habang katapat si James na kinukunsidera ng karamihan bilang pinakamagaling na basketbolista sa panahon ngayon.

Malaki rin ang naitulong ng nina Boris Diaw, Tiago Splitter, Danny Green at Patty Mills. Sa tingin ko, dito nahirapan nang husto ang Heat. Kapag ipinasok na kasi ni Popovich ang kanyang ‘second unit’ ay walang panapat dito si coach Erik Spoelstra ng Heat.

Sadyang mas malalim ang bench ng San Antonio. Hindi pa nga nagamit nang husto sa Finals sina Marco Belinelli at Cory Joseph na pwede ring asahan ni Popovich.

Well, tapos na ang Finals at nanalo na nga ang Spurs. Ibig sabihin ba nito na talagang ‘tsamba’ lang ang panalo ng Heat noong isang taon? Mababawasan ba ng ‘kinang’ ang kampeonato na iyon ng Miami dahil sa ‘tinambakan’ sila ng San Antonio sa nakaraang NBA Finals?

Deserving naman ang Miami sa kanilang championship last year. At aminado naman ang Spurs na may pagkukulang din sila kaya natalo sila sa Games Six at Seven last year.

Kaya nga buo ang loob ng mga Spurs na makabawi at patunayan sa buong mundo na hindi pa sila laos at kaya pa nilang manalo  ng kampaonato.

Mananatiling buo ang  Spurs para sa susunod na season kaya kung sakaling manatiling ‘healthy’ ang mga beterano nito ay kaya nilang manalo pa ng isang titulo.

E paano naman ang Miami? Puwedeng manatili ang Big 3 nito sa Miami at puwede naman itong mabuwag na. Nasa kontrata kasi nina LeBron James, Dywane Wade at Chris Bosh na pwede silang mag-opt out.

Ibig sabihin ay pwede silang maging free agent kung gugustuhin nila. Puwede itong maging good news o maging bad news sa Miami. Good news ay kung mag-opt out sila at sabay-sabay silang pumirma ng mas mababang kontrata.

Mahalaga ito para magkaroon pa ng ‘salary space’ ang Heat na kumuha ng isa pang ‘key player’ gaya ng isang mahusay na sentro.

Pero kung ayaw naman nilang mabawasan ang kanilang kinikita ay pwede rin silang lumipat ng koponan na makapagbibigay sa kanila ng mas malaking sahod.

Sina James at Bosh ay kumikita ng $19 milyon bawat isa kada taon at si Wade naman ay  $18.5 milyon. Para makumpara natin, narito ang mga sahod ng Spurs nitong nagdaang season: Parker ($12.5 milyon), Duncan ($10 milyon), Splitter ($10 milyon), Ginobili ($7 milyon), Diaw ($4.7 milyon), Green ($3.7 milyon), Leonard ($1.9 milyon) at Mills ($1.13 milyon). Pagsama-samahin mo man ang sweldo ng  walong ito, mas malaki pa rin ang pinagsamang sweldo nina James, Bosh at Wade.

Read more...