Bagong TV show ni Willie magsisimula na; namigay uli ng pera sa mga kaibigang labandera, make-up artist


Ibang klase pa rin talaga ang lakas ni Willie Revillame sa ating mga kababayan. Kahit saan kami magpunta, ke dito sa Kamaynilaan o sa malalayong probinsiya, paniguradong siya ang kumustahin sa amin.

Pare-pareho lang naman ang kanilang tanong, gusto nilang malaman kung kailan ba talaga babalik sa telebisyon ang kanilang idolo, masyado na raw kasi silang nasasabik.

Sabi ng isang nagtanong sa amin, “Ang nanay ko, tanong nang tanong kung kailan ba niya uli mapapanood si Willie? Alam n’yo naman ang matatanda, siya talaga ang gusto, aliw na aliw sila sa pagho-host ni Wil.

“Saka siya ang gamot sa kalungkutan ng matatanda. Sa States, tanong din nang tanong ang mga tita ko kung kailan siya babalik. Siya ang hinahanap pati ng mga lola ko, ganu’n katindi ang charisma niya sa matatanda,” kuwento ng aming kausap.

Kahit wala pa siyang show ay hindi nagpapabaya si Willie sa kanyang staff. Kailan lang ay nag-text pa sa amin ang kanyang mga make-up artist, kosturera, photographer at tagalaba ng mga costumes ng mga dancers ng kanyang mga dating programa.

Lambing ni Tita Star, make-up artist ng show ni Willie, “Nay, pakisabi po kay Kuya Wil na maraming-maraming salamat sa biyayang ibinigay niya sa amin kanina.

Pinapunta niya kami sa Wil Tower Mall, nakahanda na ang pambigay niya sa amin. “Tamang-tama, pasukan ng mga apo ko, kailangan ko talaga ng ayuda. Salamat talaga kay kuya dahil hindi niya kami pinababayaan.

Pero sana nga, e, makabalik na uli siya dahil miss na miss na namin siya at ang bonding ng grupo pagkatapos ng show,” sinserong pahayag ni Tita Star.

Konting tulog at gising na lang siguro ang kailangang hintayin ng mga tagahanga-tagasuporta ni Willie Revillame.
Balita nami’y may nagaganap nang negosasyon sa pagitan niya at ng mga ehekutibo ng istasyong pagseserbisyuhan niya.

Sandali na lang ‘yun, lalo na ngayong mga panahong ito na napakabilis ng paglipad ng oras, nandiyan na uli si Willie Revillame.

( Photo credit to willie revillame official fanpage )

Read more...