Ipalalaglag ang bata (2)

Sulat mula kay Imee ng Barangay Alang-Alang, Surigao City
Problema:
1.      Namumuhi na ako sa mga lalaki dahil sa boyfriend ko na lumayas nang sabihin ko sa kanya na buntis na ako.  Sa unang araw pa lang ng kanyang panliligaw ay binanggit na niya ang kasal.  Hangang-hanga ako sa kanya at nang sabihin ko ito sa dabarkads ay naiinggit sila.  Kaya noon pa lang ay nagtiwala na ako.  Nang yayain niya akong magtalik ay hindi na ako nagdalawang-isip.
2.    Nang sabihin kong buntis ako ay ginulat niya ako nang isiwalat niya na may pamilya na siyang binubuhay.  Halos himatayin ako nang sabihin niyang ipalaglag na lang muna ang nasa sinapupunan ko.  Ang sabi ng boyfriend ko ay uuwi muna siya sa kanyang probinsiya at kakausapin niya ang kanyang asawa. Hihiwalayan daw niya ang kanyang asawa at kami raw ang magsasama. Totoo ba ito?
Umaasa,
Imee ng Barangay Alang-Alang, Surigao City
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Cancer (Illustration 2.) ang nagsasabing hindi ka na babalikan ng boyfriend mong may asawa na sa sandaling siya ay umuwi sa kanilang probinsiya, lalo na kung siya ay isinilang sa zodiac sign na Leo o kaya’y Aquarius. Dahil ang lalaking makakatuluyan mo at makakasama habang buhay ay isang Scorpio. Ibig sabihin kung Scorpio ang boyfriend mo, walang duda siya na nga ang makakasama mo habambuhay kahit sabihin pang may asawa at pamilya na siya.
Numerology:
Ang birth date mo ay mahinang numero. Ibig sabihin, ikaw ay nagtataglay din ng weak personality at dahil mahina ang iyong pagkatao, lagi kang lolokohin at iisahan ng mga lalaki. Matatapos ang mga panlolokong ito ng mga kalalakihan kung ikaw ay makakatagpo ng panibagong boyfriend na may birth date na 2, 11, 20 o kaya’y 29. Ang nasabing mga lalaki ang ka-compatible mo na makakasama mo habambuhay.
Huling payo at paalala:
Imee, ayon sa iyong kapalaran, hindi mo makakatuluyan ang kasalukuyan mong boyfriend na may asawa na. Ganoon pa man ang ipinagbubuntis mong baby sa ngayon ang magdadala sa iyo sa panibagong pag-asawa at masuwerteng pamumuhay. Sa sandaling naisilang mo na siya, mas maraming suwerte at magandang kapalaran ang kusang mangyayari, kabilang na rito ang pagdating ng ikalawang lalaking binata na nagtataglay ng initial na J.A. Ang nasabing lalaki na may zodiac sign na Scorpio ang siya na ngang makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay ng pamilya na nakatakdang mangyari at matupad sa susunod na taon.

Read more...