SUNUD-sunod ang reaksyon ng mga OFW natin na nasa Libya matapos ideklara ng pamahalaan ang Crisis Alert Level 3 doon kamakailan, sabay ang pagpapauwi sa kanila.
Kasabay nito, naglabas din ang pamahalaan ng total ban sa deployment sa mga OFW patungong Libya.
Silang mga OFW na nakabakasyon lang ay di na rin pinapayagan makabalik sa Libya.
Naikasa agad ng pamahalaan ang pangunahing mga hakbang para maalalayan ang mga kababayan nating maaaring maapektuhan ng pagsiklab ng tumitinding kaguluhan sa nasabing bansa.
Naririyan ang Rapid Response Team (RRT) ng Department of Foreign Affairs, mayroon ding Libya Crisis Response Team ng Department of Labor and Employment. Maging ang mga exit points, airports, o malapit na mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa mga bansang puwedeng takbuhan ng ating mga OFW, patuloy na inaanunsiyo ngayon sa Libya.
Kaya naman ng inilabas na ang Voluntary Repatriation program sa ilalim ng Alert Level 3.
Mahigit 50 ang unang nakapagpalista. Ang iba’y itinawag na lamang sa ating Philippine embassy doon at ibinigay ang kanilang mga impormasyon.
May unang batch na nakabalik na ng Pilipinas at patuloy pa rin ang ginagawang pagpapauwi.
Pero, marami pa rin ang nagwawalang-bahala sa panawagang umuwi muna sa bansa.
Ayon sa email na natangap natin mula sa isang OFW sa Libya, tahimik ‘anya doon, mas tahimik pa nga matapos ideklarang umuwi na sila.
Ang malungkot pa nga rito, may nag-iisip pang maaaring ginagamit pa ‘anya ang sitwasyon nila doon para kumita lamang ng pondo na gagamitin sa naturang operasyon ng gobyerno.
Nakakalungkot talagang marinig ito, na sa gitna na ng krisis, kaligtasan at buhay na ng ating mga OFW ang nakataya, pero nakakapag-isip pa silang pagkakitaan ang mga ito?
Hayyy… Pinoy nga naman!
Sanay na kasi tayong makarinig nang walang patumanggang pagnanakaw at kawalang-katapatan sa ilang mga namumuno sa pamahalaan, kaya’t hindi maiwasang madamay maging ang mga matitinong opisyal na tapat naman sa kanilang mga tungkulin at maingat sa paggamit ng pondo ng bayan.
Nakadidismaya din ito para sa ilan nating mga opisyal ng pamahalaan na isinusugal din maging ang kanilang sariling mga buhay para makatulong sa mga kababayan pero ganito pa ang natatanggap na trato.
Sa kabila ng pagtutol ng mga kapamilya ng ating mga opisyal na ito, na kung maaari lamang sana na huwag na silang umalis, huwag na silang ipadala doon, hindi rin naman nila maaaring talikuran ang kanilang responsibilidad sa takot na baka kung mapaano pa sila sa panahon ng kanilang pagsaklolo.
Sana sa panahon ng krisis, tulong-tulong na muna. Kooperasyon ang kinakailangan. Saka na mag-isip ng masama laban sa kapwa.
Pagkatapos ng lahat, kung may matibay na basehan ng reklamo, saka ito paimbestigahan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com