SIMULA na ang pagpapatupad ng mataas na multa sa mga pasaway na motorista.
Hanggang P1 milyong multa sa mga kolorum na bus at tiyak na magdadalawang isip na ang mga operator na palabasin ang kanilang mga bus na hindi nakarehistro dahil sa laki ng multa.
Tama lang na gawin ito lalo na “mani” lang sa mga bus operators ang kasalukuyang multa.
Luluwag na kaya ang mga kalsada? Ang sabi kasi, sobrang trapik sa Kamaynilaan dahil sa napakaraming kolorum.
Pero sa paglaki ng multa, lalaki rin tiyak ang hihingin ng mga tiwaling enforcer (hindi ko nilalahat) sa mga maiispatan nilang kolorum.
Kung dati ay nagkakasundo na sa et-neb (bente), ngayon ay hindi na ito uubra. Kasi naman kahit sa simpleng hindi pagsusuot ng seat belt, P1,000 hanggang P5,000 na ang multa.
Ang mamomroblema at mapapaaway dito ay ang mga driver na nagpapaupo sa harapan.
Kung hindi magsusuot ng seatbelt ang kanilang pasahero ang multa ay P3,000 at ang magbabayad ay ang operator.
Sana ay sinabayan ng mas mabigat na parusa sa mga kotongero ang mas mataas na penalty sa mga driver at operator.
Yung parusa sa mga enforcer na tipong magdadalawang-isip silang mangokotong dahil mas malaki ang mawawala sa kanila.
Tumaas na naman ang presyo ng bigas kaya marami na naman ang magugutom.
Ang nakapagtataka lang, patuloy ang pag-angkat ng bigas ng National Food Authority, at sinasabi ng Department of Agriculture na malapit na tayong maging self-sufficient sa bigas.
Bukod pa ‘yan sa mga ulat na dagsa pa rin sa bansa ang tonetoneladang smuggled rice.
Kung ganito karami ang bigas na nasa Pilipinas, bakit pataas pa rin nang pataas ang presyo?
Ang sabi ng law of supply and demand, kapag bumabaha ng suplay ay mababa ang presyo at tumataas naman kung kokonti ang suplay.
Kung maraming suplay ng bigas dapat bumaba ang presyo pero bakit tumataas, kulang ba ang suplay?
Napag-isip tuloy ako sa pahayag ng mga militanteng grupo: Tumataas daw ang presyo dahil mahal ang halaga ng inangkat na bigas. Overpriced daw ang biniling bigas mula sa ibang bansa, baka nga kaya mataas ang presyo.
May mga napangiti nang marinig ang balita na isinampa na ang kaso laban sa mga sabit sa pork barrel fund scam.
Ibig kasing sabihin ay nalalapit na ang panahon na may makukulong.
Sana lang ay magtuloy-tuloy na ang paggulong ng kaso at hindi na abutin ng pagtatapos ng susunod na administrasyon.
Sa dami ng inihahaing mosyon para hindi ito umusad, nararamdaman ko na hindi ito matatapos sa pagbaba ni Pangulong Aquino sa 2016.
Ano ba itong naririnig ko na meron daw taong malapit sa Palasyo na tumatawag sa Sandiganbayan para kumustahin ang pork barrel fund scam cases.
Mukhang merong gustong makaunang makapagbalita kay PNoy nang kung ano ang la-labas na desisyon. Sisipsip kay presidente?
‘Wag na kayong makialam….