NAISAMPA na sa Sandiganbayan ang mga kasong plunder at graft kina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla, ilang mga kongresista at opisyal ng ng gobyerno. Ito ay kaugnay ng tatlong taong imbestigasyon ng COA hinggil sa pork barrel funds noong panahon ng Arroyo administration, partikular na noong 2007-2009.
Sa naturang report, 12 senador at 180 kongresista na merong pondong P6.15 bilyon ang inilipat sa 82 mga bogus na mga NGOs, kung saan 10 rito ay kay Janet Lim Napoles.
Kakasuhan na rin kaya ang mga kakampi ni PNoy, gaya nina Rep. Niel Tupas Jr, Deputy Speaker Neptali Gonzales, dating Senador Edgardo Abgara, Agriculture Sec. Proceso Alcala na nasa COA report at maging si Budget Sec. Butch Abad na direktang tinukoy ni Napoles sa kanyang affidavit bilang “mentor”, para maipakitang wala ngang pulitika sa kampanya vs. corruption?
Ilalabas din kaya ng CoA ang report nito sa imbestigasyon para sa pork barrel nitong 2010-2014 o sa administrasyong Tuwid na Daan? Tingnan natin….
***
Isa ako sa mga nagtataka kung bakit ayaw pa ring magbitiw, por delicadeza, itong si Agriculture Sec. Alcala. Ito’y matapos mahirang si dating Sen. Kiko Pangilinan bilang Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization at mapunta sa kanya ang ilang malalaking departamento ng DA.
Sabi ni Alcala, sinabi sa kanya ni PNoy na mag-concentrate sa food production at pagsilbihan ang mga farmers at fisherfolk. Hindi naman daw siya sinabihan ni PNoy na mag-resign.
Well, kung ako ang tatanungin, talagang mahihirapan si Alacala na pakawalan ang kanyang puwesto. Noong 2012, siya ang may pinakamalaking sweldo, allowance, bonus sa Gabinete, na ayon sa CoA ay umabot ng P6.037milyon. Ang kanyang sweldo ay P2.515M ( P209,583 bawat buwan) at allowance na P2.452M (P204,408 bawat buwan).
Palagay ko hindi alam ni PNoy na ganito kalaki ang kinikita ni Alcala dahil kung alam niya, agad niya itong babawasan. Aba’y sayang lang mga dinakdak niya noon laban sa mga bonuses at sweldo sa mga GOCC’s sa kanyang mga SONA. Noon pala, nandyan lang sa tabi , at kakampi pa nya , ang dapat ay binabatikos niyang kahindik-hindik ang sweldo sa gobyerno.
***
Aabot sa 85,000 college professors ang mawawalan ng trabaho sa 2016 kapag fully implemented na ang K-12 (Enhanced Basic Education Act of 2013-RA 10533). Sa panahong iyon, 500,000 na mga 4th year high school students ang hindi ga-graduate at hindi papasok sa kolehiyo. Gagawin silang Grade 11. Gayundin, 300,000 na 1st year college naman ang hindi papasok sa 2nd year dahil ilalagay sila sa Grade 12.
At dahil mawawalan ng college students sa kolehiyo sa 2016, ngayon pa lamang ay nagpapatupad na ang mga pribadong eskwelahan ng mga early separation programs tulad ng retrenchment, redundancy o early retirement sa matagal na nilang empleyado. Kasama rito ang mga regular na college faculty na nagtuturo sa 1st at 2nd year college.
Malaking problema ito na di dapat balewalain ni Education Secretary Armin Luistro lalo’t halos lahat ng pamilyang Pilipino sa buong bansa ay apektado. Aprubado na ang batas sa K-12 pero wala pa ring IRR kung saan maraming mga katanungan ang mga apektadong sektor. O baka naman, minadali talaga ito nang wala talagang pag-aaral?