ISA ring showbiz royalty na maituturing ang aktres na si Ina Feleo. Siya ang bunsong anak ng yumaong award-winning actor na si Johnny Delgado at ng director-actress na si Laurice Guillen. Kabilang si Ina sa bagong serye sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN na pinamagatang Lumayo Ka Man Sa Akin na pinagbibidahan nina Maja Salvador, Jason Abalos, Ina Raymundo at ang nagbabalik-Kapamilya network na si Patrick Garcia.
Naungkat sa press conference ng Lumayo Ka Man Sa Akin ang nakaraang relasyon ng mga bidang sina Maja at Jason.
Bukod sa dalawa, sumambulat din ang naging relasyon ni Jason kay Ina na ikinagulat ng ibang members of the cast. Lingid sa kaalaman ng ilan, naging magkasintahan sina Jason at Ina nu’ng ginawa nila ang indie film na “Endo” nu’ng 2007.
Kung paano nila nailihim at natapos ang kanilang relasyon, ‘yun ang ibubunyag ni Ina sa aming one-on-one interview sa kanya.
BANDERA: Ano reaksyon mo nu’ng maungkat ang relasyon n’yo ni Jason?
INA FELEO:Nagulat, kasi ngayon lang, parang wala naman, akala ko wala namang nakaalam noon. Parang ganu’n nga, ‘Endo’ days pero ang igsi kasi, kaya hindi ko siya masyadong… (bitin na sagot ni Ina).
B: Niligawan ka ni Jason habang ginagawa nila ang “Endo?”
IF: Oo, kasi parang ano, e, paano ba? Kasi okey ‘yung working relationship namin at wala siyang GF at that time. Ako rin naman wala, so, parang ano lang, getting to know each other, ganyan.
And then, bigla rin kasi siyang nag-stop after. After “Endo” doon talaga kami lumalabas. Formal relationship? Hindi naman courtship, pero kumbaga, dating.
Exclusively dating kami, feeling ko. Well, wala naman akong ibang dini-date that time at siya rin naman walang ibang dini-date.
Parang understood naman na may pagtingin, may respeto sa bawat isa. Actually, very positive ako about it. Parang iniisip ko na pwede. Pwedeng tumagal.
B: Nu’ng ‘di tumagal, nalungkot ka ba?
IF: Parang more of sa side niya kasi. I don’t know, at that time rin kasi, parang ano rin siya, ‘yung sa image rin niya kasi may movie rin siya with Maja at that time, ‘yung “My Kuya’s Wedding,” parang ‘yun ‘yun, e.
Hindi naman siya iniwas na matsismis kami pero parang iniiwas din namin na hindi rin, parang kini-keep din naming private kasi para hindi lang din bumangga para sa whatever or kung may loveteam or kung may mga ganu’n.
B: Gaano kaiksi ang relasyon n’yo?
IF: Months lang. Kaya pati sila (cast ng Lumayo Ka Man Sa Akin) nagulat. Pero sina mommy at daddy ko, alam nila. Alam nila na lumalabas kami.
B: Ano reaksyon ng parents mo sa relasyon n’yo ni Jason?
IF: In fairness naman isa siya sa guys na, kumbaga, dini-date ko na medyo hindi masyado pumalag.
Kasi usually si Daddy mararamdaman mo kapag hindi niya gusto. Hindi naman niya sasabihin na hindi niya gusto pero mararamdaman mo.
B: Boto sila kay Jason?
IF: Oo, kinausap, tsinika niya (Johnny Delgado – RIP) pa. Pero hindi naman tungkol sa akin. Tungkol sa acting, ganyan. Pero hindi ko naman inisip na okey na okey si Jason kay Daddy. Pero syempre medyo nakaka-relax kapag, ‘O, okey lang parang, mag-date,’ ganu’n.
B: Nanghinayang ka ba na natapos agad ang relayson n’yo?
IF: Nu’ng time na ‘yun medyo nanghinayang kasi nga okey lang sa parents ko, e.
Bihira ‘yun, e. Hindi ko maalala kung ilang months kami kasi hindi kami nagbilang. Pero after “Endo,” mga ilang months. Mga four months, siguro.
B: Inisip mo ba kung bakit lumayo agad sa ‘yo si Jason?
IF: Nag-isip syempre kasi parang bakit nawala, e, okey naman. Pero parang eventually, na-feel ko naman, medyo inintindi ko rin kung ano ang reason.
B: Hindi ka ba nagtanong kay Jason kung bakit ganu’n ang nangyari?
IF: Hindi, ako kasi ayoko talaga nu’ng mukhang naghahabol or kumbaga, kapag sinabi mo ayaw, or stop, ayoko ‘yung, ‘Ay, bakit?’
B: Diretsong sinabi sa ‘yo ni Jason na ayaw na niya?
IF: Hindi, hindi naman. Example lang ‘yun. Parang ganu’n, hindi na muna tayo magkikita, to that effect.
B: Nasaktan ka ba nu’ng sinabi ni Jason na tapusin na ang relasyon n’yo?
IF: Na-hurt ako noon but I guess hindi rin naman ganu’n katagal pa para maging ‘Hahh?’
B: Paano nawala ‘yung sakit?
IF: Ano lang, time lang. Tapos parang naintindihin ko rin naman. Pero hindi nga kasi kami nagkausap. Parang nag-tour pa kami ng France, wala na ‘yung ano namin noon, relationship.
B: Kumusta kayo sa France?
IF: Okey lang. Pero walang, parang hindi lang niya tina-touch ‘yung relasyon namin. Tapos wala, matagal kaming hindi nagkita at nag-usap. Ngayon lang ulit kami nagkasama.
B: Ano ang feeling nu’ng nagkita kayo ulit sa set?
IF: Actually, okey kasi ngayon lang ulit kami nagkita tapos parang may feeling na parang okey na, parang tapos na.
B: Nagkaroon ba kayo ng closure?
IF: Oo, feeling ko meron naman. Actually, ko nu’ng workshop merong ganu’n. Parang may mutual na closure in a way.
B: Pero hindi diretso? Indirect?
IF: Medyo direct, e, pero syempre, ayaw kong maano sa (workshop).
B: Hindi naman nagkaroon ng confrontation?
IF: Hindi, hindi. Pero hindi pwedeng sabihin kasi workshop ‘yun, e.
B: Bakit lalo kang gumaganda ngayon? May nagpapaganda ba ‘yo?
IF: Wala po, loveless ako ngayon.
B: Na-feel mo ba na baka may order talaga kay Jason na huwag munang makipagrelasyon noon kasi may movie sila ni Maja?
IF: Hindi ko alam kung meron. Tsaka feeling ko siya rin at that time hindi rin ready pa for a serious, ‘yung parang for long term and na-feel niya ako, ganu’n kasi ako, kaya rin siguro wala akong boyfriend.
B: Kasi ang hinahanap mo for long term?
IF: Oo, e.
B: Nagpaparamdam ba sa ‘yo ang daddy mo?
IF: Si Daddy parang alam mo peaceful naman, walang pagmu-multong nagaganap.
B: Gusto mo ba siyang magparamdam o magpakita sa yo?
IF: Ayoko naman. Hahaha! Sa panaginip, minsa, may dreams. Minsan nakikita mo siya sa party tapos malaki ‘yung ngiti.
B: May crush ka ba among the Kapamilya stars?
IF: Ang crush ko talaga sa Kapamilya si John Lloyd (Cruz). Magkasama kami ngayon sa ‘Unofficially Yours.’ Wala, crush lang naman, e.
B: Nangyari na ba na nagkainuman kayo ni John Lloyd?
IF: Hindi. Hahahaha! Shooting-shooting lang. Minsan ‘yung kina Direk Cathy (Garcia-Molina), si Direk Cathy kasi very bonded ‘yung team nila, e.
Like ‘yung “Miss You Like Crazy” after the premiere night, ‘yun (nag-inuman sila). Ako ma-wine. Siya (John Lloyd), e, hindi ko naman binabantayan kung ano ang mga iniinom nila.
B: Hindi ka ba na-conscious nu’ng makasama mo si John Lloyd?
IF: Ano kasi ako, e, kapag crush ko hindi ko masyadong kinakausap. Nahihiya ako. Ganu’n kasi ako, e.
Tsaka ’yung crush ko kasi sa kanya it’s more of paghanga sa kanyang talent. Kaya kapag kaeksena ko siya medyo nate-tense ako, ‘Teka muna, baka makalimutan ko ang linya ko!’ Ganu’n.
B: What if kapag nalaman ni John Lloyd na crush mo siya at ligawan ka?
IF: Hindi niya ako liligawan (ngiti ni Ina).
B: Lalayuan mo ba si John Lloyd sakaling ligawan ka?
IF: Hindi ko naman lalayuan pero syempre kailangan kung anuman ang dinadaanan, getting to know, kailangan ko pa rin siyang makilala.
Kasi syempre ang nakikita ko lang naman ‘yung trabaho niya, e. As a person, ibang-iba naman ‘yun lalo na artista siya, may private ano ‘yan, e. private life.