Mga Laro Ngayon
(Alonte Arena, Biñan, Laguna)
2:45 p.m. Meralco vs Globalport
5 p.m. Air21 vsSan Miguel Beer
PILIT na seselyuhan ng nanggugulat na Air21 ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa sagupaan nila ng San Miguel Beer sa PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Sa unang laro sa ganap na alas-2:45 ng hapon ay mamamaalam na sa season ang Globalport kontra Meralco.
Dumaan sa butas ng karayom ang Express bago naungusan ang Globalport, 106-102, noong Miyerkules para sa 5-3 karta. Sa kabilang dako ay nakalasap naman ng back-to-back na kabiguan ang Beermen buhat sa Meralco (90-74) at Baragay Ginebra (105-98) at bumagsak sa 4-4.
Laban sa Globalport, ang import ng Air21 na si Dominique Sutton ay nagtala lang ng 28 puntos kontra sa 35 puntos ni Dior Lowhorn.
Subalit binuhat ng beteranong si Paul Asi Taulava ang Express sa endgame. Sa kabila ng pagkakaroon ng sugat sa kaliwang bahagi ng noo ay nagtapos si Taulava ng may 17 puntos at siyam na rebounds. Nagtala ng 15 puntos si Jonas Villanueva at nagdagdag ng 13 si Joseph Yeo.
Patuloy na nami-miss ng San Miguel Beer ang serbisyo nina Marcio Lassiter, Chris Ross at Paolo Hubalde na pawang may injuries.
Ang San Miguel Beer ay binubuhat nina Reggie Williams, June Mar Fajardo, Arwind Santos, Doug Kramer at Chris Lutz.
Magugunitang sa nakaraang Commissioner’s Cup ay nagkita ang Beermen at Express sa quarterfinals. Ang San Miguel ay nagtaglay ng twice-to-beat advantage subalit tinalo ng Air21 ng dalawang beses. Nakatagpo ng Air21 ang nagkampeong San Mig Coffee sa best-of-five semis.
Ang Globalport ay natalo sa huling anim na laro at may 1-7 record. Ang Bolts ay may 2-6 karta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.