JV Ejercito nag-emote, sumama ang loob kay Jinggoy


Sumama pala ang loob ni Senador JV Ejercito nang hindi banggitin ng kanyang kapatid sa ama na si Senador Jinggoy Estrada ang kanyang pangalan sa katatapos lang nitong privilege speech.

Ang binanggit lang na pangalan ni Senador Jinggoy nang magpasalamat ito sa kanyang mga kapatid ay sina Jacqueline at Col. Jude, dalawang pangalan lang, wala nang iba pa.

Parang mali sa tiyempo ang sentimyento ni Senador JV dahil hindi rin naman binanggit ni Senador Jinggoy ang mga pangalan ng iba pa nilang mga kapatid sa ama.

Ang tanging pinasalamatan lang ng aktor-politiko ay ang kanyang mga kapatid sa ama’t ina, ang mga kasama lang nitong nagmula sa sinapupunan ni dating Senadora Loi, wala nang iba pa.

At hindi na rin siguro hinihingi ng pagkakataon ang tampo ni Senador JV kundi man nabanggit ni Senador Jinggoy ang kanyang pangalan dahil alam niya naman sa kanyang kunsensiya na isa siya sa mga mambabatas na bumoto para sumailalim sa matinding imbestigasyon ang tatlong senador na nadidiin sa PDAF scam.

Idiniin na nga niya ang kuya niya, aasa pa ba naman siya ng pagbanggit nito sa kanyang pangalan bilang pasasalamat, ano’ng akala ni Senador JV? Hilo ang kanyang kapatid para patenkyuhan pa ang pagdidiin niya sa mismong kadugo niya?

At hindi naman talaga sila magka-close kahit nu’ng maliliit pa sila, ang alam naming malapit sa tunay na pamilya ng dating pangulo nilang ama na mayor na ngayon ng Maynila ay ang mga anak ng kanilang tatay kay Laarni Enriquez, hindi siya.

Tama na ang pagmamarakulyo, tama na ang tampo, dahil malayo sa katotohanan ang gustong mangyari ni Senador JV Ejercito.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...