Sasali ba si Pacquiao sa Draft?

KUNG tatanungin si Manny Pacquiao, tiyak na sasabihin niya na gusto niyang maging playing coach ng team Kia, isa sa tatlong koponang tinanggap bilang bagong miyembro ng Philippine Basketball Association (PBA) para sa ika-40 season nito na magsisimula sa Oktubre 19.

Kung tatanungin mo ang mga pinuno ng Kia, tiyak na sasabihin nilang nais nilang maging playing coach si Pacquiao.

At kung tatanungin ang milyung-milyong fans ng PBA, tiyak na nais din nilang makitang maglaro si Pacquiao.
Puwede namang mangyari ito, e.

Ito’y kung mag-aaplay sa Rookie Draft si Pacquiao.

Iyon kasi ang nakasaad sa rules ng PBA. Lahat ng manlalarong nais maglaro sa PBA ay kailangang pumasok sa Rookie Draft.

Si Pacquiao ay ipinakilala ng Kia bilang head coach ng kanilang prangkisa sa press conference na ginanap noong Lunes. Malugod na tinanggap ni Pacquiao ang bagong challenge na ito sa kanyang buhay.

Challenge talaga kasi hectic ang kanyang schedule hindi lang bilang “Pambansang Kamao” ng Pilipinas kundi bilang Congressman ng Sarangani.

Kung idadagdag sa kanyang tungkulin ang paglalaro, aba’y mas hectic iyon. Pero kakayanin ni Pacquiao na nagsabing ang lahat ay puwedeng gawin sa ilalim ng “time management.”

Ang tanong: Papasok ba si Pacquiao sa Draft?

Kapag pumasok kasi siya sa Draft ay puwede siyang piliin ng sampung miyembro ng PBA sa first round. Ang tatlong bagong teams kasi ay pipili umpisa sa No. 11. So, puwedeng mapili si Pacquiao mula No. 1 hanggang No. 10.

Paano ‘yun? Ang playing rights niya ay nasa ibang team samantalang coach siya ng Kia?

Ganito ang nangyari nang pumasok ang Red Bull sa PBA hindi ba. Pumili ang Red Bull sa expansion draft at nasungkit nila si Allan Caidic na inilagay ng Barangay Ginebra sa listahan. E, si Caidic ang coach ng Gin Kings.

Hayun, nagretiro bilang player si Caidic upang hindi na maglaro sa Red Bull.

So, puwedeng pumasok sa Draft si Pacquiao pero walang garantiyang ang Kia ang makakakuha sa kanya bilang player.

O puwede ring kunin siya ng ibang team at i-trade sa Kia kapalit ng future draft picks at iba pang concessions.
Papayag ba ang Kia sa ganoong arrangement?

Pero isa ang tiyak.

Patok kaagad ang Kia sa pagpasok nito sa PBA dahil sa coach nito si Pacquiao.

At kapag naglaro sa kanila si Pacquiao, mas patok!

Read more...