MALAKI ang posibilidad na lumakas uli ang kampanya ng boxing at taekwondo sa gaganaping 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Ito ay dahil sa ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) at Philippine Taekwondo Association (PTA) ay nagpadala na ng mga pangalan ng atleta para tulungan ng International Olympic Committee (IOC) gamit ang kanilang Olympic Solidarity Program.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) 1st vice-president Joey Romasanta, ang IOC ay nagsusulong ng programa para maparami ang mga manlalaro na makakapasok sa 2016 Summer Olympic Games kaya’t nagbibigay sila ng ayuda gamit ang Solidarity Program.
“Nais ng IOC na tumulong sa training ng mga atleta na may potensiyal na makalaro sa 2016 Olympics. Sila ang magpapadala sa mapipiling atleta sa lugar na puwede nilang pagsanayan bilang paghahanda sa pagsali nila sa mga Olympic qualifying events. Kasama sa tulong na kanilang ipagkakaloob ay financial assistance para sa pagbiyahe nila sa mga qualifying events at kaunting allowance,” wika ni Romasanta.
Noong Hunyo 1 ang deadline para sa unang batch ng atleta at ang Pilipinas ay nagpasok ng pangalan sa boxing, taekwondo at shooting.