IKA-6 NA PANALO TARGET NG GINEBRA

Mga Laro Ngayon
(MOA Arena, Pasay City)
5:45 p.m. Brgy. Ginebra vs Alaska Milk
8 p.m. San Mig Coffee vs Talk ‘N Text
Team Standings: Ginebra (5-2); Talk ‘N Text (5-2); San Mig (5-2); Air21 (5-3); Rain or Shine (5-3); San Miguel Beer (4-4); Alaska (3-4); Barako Bull (3-5); Meralco (2-6); Globalport (1-7)

IIGTING ang labanan para sa twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals sa magkahiwalay na laban sa PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup mamayang gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Makakatunggali ng Barangay Ginebra ang Alaska Milk sa ganap na alas-5:45 ng hapon samantalang maghaharap ang San Mig Coffee at Talk ‘N Text dakong alas-8 ng gabi.

Ang Gin Kings, Mixers at Tropang Texters ay nasa unang puwesto sa kartang 5-2.

Ang Aces ay may 3-4 kartada at nangangailangang magwagi ng isa sa nalalabing dalawang laro nila upang pumasok sa quarterfinals.

Ang Barangay Ginebra ay galing sa 105-98 panalo kontra San Miguel Beer noong Miyerkules. Sa larong iyon ay nagtapos ng may double figures sa scoring sina Zaccheus Mason (30), Gregory Slaughter (19), LA Tenorio (16) at Japeth Aguilar (15).

“It’s part of the learning curve. We lost to Rain or Shine and bounced back against San Miguel Beer. I’m trying to instill an attitude of focusing on my players,” ani Ginebra coach Jeffrey Cariaso.

Ang Alaska ay nakapagpahinga ng isang linggo matapos na talunin ang defending champion San Mig Coffee, 93-84, noong Hunyo 5. Bunga nito ay nakabawi ang Aces sa nakakahiyang 123-72 pag-katalo sa Rain or Shine.

Ang Aces ay pinangungunahan nina Henry Walker, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio at Calvin Abueva.

Nakabangon naman ang San Mig Coffee sa kabiguan sa Aces nang maungusan ang Air21 sa overtime, 113-109.

“In the scheme of things, that was a big win for us,” ani San Mig coach Tim Cone. “To be able to win in a game where we did not play the kind of defense we’re supposed to play is big. We have to do better against Talk ‘N Text.”

Ang larong ito ay muling pagkikita ng finalists ng nakaraang Commissioner’s Cup kung saan tinalo ng San Mig Coffee ang Talk ‘N Text, 3-1, upang makamit ang titulo.

Sa import matchup ay maghaharap ang mga datihang sina Paul Harris ng Talk ‘N Text at Marqus Blakely ng San Mig Coffee.

Read more...