HINDI nagsisisi si Marian Rivera na mas pinili niya ang maki-join kina Wally Bayola, Jose Manalo at Paolo Ballesteros para sa Juan For All All For Juan segment ng Eat Bulaga.
Sey ng GMA Primetime Queen, mas nagiging memorable at fulfilling ang pagiging host niya ng Eat Bulaga kapag nakikita niya nang personal ang mga masuswerteng dabarkads na nananalo sa kanilang segment.
In fairness, sa maikling panahon ng pagsama-sama ni Marian sa pagsugod sa mga barangay ay madaling nag-swak ang pagiging luka-luka niya sa kakalugan nina Wally, Jose at Paolo.
Sabi nga ng Primetime Queen nu’ng makachika ng mga reporter sa presscon ng bago niyang show sa GMA, ang dance program na Marian, ngayon pa lang ay mami-miss na niya ang Eat Bulaga. Umalis na siya nu’ng Miyerkules patungong Amerika para sa series of shows ng GMA.
Dalawang linggong mawawala sa Pilipinas si Marian at sigurado raw na hahanap-hanapin na niya ang pagsugud-sugod nila sa mga barangay para sa Juan For All All For Juan, naging bahagi na raw kasi ng kanyang sistema ang Eat Bulaga.
Bukod dito, mami-miss din ni Marian ang pagsisimula ng kanyang bagong show sa June 21, Sabado.
Pero kung mami-miss niya ang Eat Bulaga at ang dance show niyang Marian, pambawi naman ang pagkikita nila roon ni Dingdong Dantes na may sarili ring show sa US, “Siyempre hindi naman po ako papayag na wala po akong segue sa pag-ibig.
Kikitain ko po yung mahal ko doon.”
“Actually, natuwa ako sa kanya, kasi siya ang nakaisip na magkita kami. Kasi ako talaga, uwi na ako (after ng series of shows), kasi kailangan ko ring mag-taping para sa Marian. Kailangan kong mag-Eat Bulaga ulit dahil mawawala ako ng two weeks.
“So, sabi niya, ‘Ba’t hindi tayo magkita?’ So, nagpaalam ako sa Triple A (nag-aalaga sa kanya), hindi naman nila ipinagdamot. Ibinigay naman nila. Hay, o, ‘di ba, ang saya!” nakangiting chika ng Kapuso actress.
Para sa pilot episode ng Marian, bongga agad ang ihahandog nila sa mga viewers – pumayag kasi ang dalawa sa itinuturing na dancing diva noon – ang Diamond Star na si Maricel Soriano at ang Star For All Seasons na si Vilma Santos – na maging special guests ni Marian. Kaya umaatikabong showdown agad ang magaganap sa unang pasabog pa lang ng programa.
“Masasabi ko na isang suntok sa buwan ang makasama ko sila, dahil hindi ko inakala sa sarili ko na magagawa ko yun. Kasi alam nating lahat na tumatak talaga sila na mahusay sumayaw, kaya nga siya naging Diamond Star, kaya nga siya naging Star For All Seasons.
“So, hindi ko lubos-akalain na ibibigay sa akin ng Diyos na maranasan na makasayaw sila sa iisang entablado. At isinayaw ko pa yung mga pinasikat nila,” aniya pa.
Pero ang tanong, magge-guest din ba si Dingdong sa Marian? “Why not, tutal naman, e, member siya dati ng Abztract Dancers.”
Ano namang sayaw ang gagawin nila? “Dirty dance!” kara-karakang sagot ng aktres.
“Kung hindi ako nagkakamali, sa promo namin ng Marimar, first time namin ginawa ‘yon. So, ibabalik ko uli ‘yung panahon ng Marimar.”