NAKAGUGULAT ang balita na tumigil sa pagbibigay serbisyo ang HEMODIALYSIS sa National Kidney and Transplant Institute dahil sa mga kumplikasyon na dinanas ng mga pasyente matpoas dumaan sa “dialysis”.
Hindi ito inaasahan dahil matagal na panahon namang ginagawa ito.
Pansamantala lang ito at ibabalik din ang serbisyo. National Kidney Month pa naman ngayon at binibigyan ng kabatiran ang tungkol sa kahalagaan ng malusog na mga bato (kidneys).
Ang mas nakalulungkot ay ang malaman natin na marami sa ating mga kababayan ang dumaranas ng “hemodialysis”, isang uri ng paglilinis ng basura sa katawan dahil hindi na gumagana ang kanilang mga bato.
Sa pamamagitan ng ating mga “kidneys” at pag-ihi, nailalabas ng ating katawan ang mga dumi na galing sa “metabolism” at pagkain. Mayroon din paglilinis na hindi dumadaan sa dugo, ang “Peritoneal Dialysis”.
Mas maraming ihi, mas maganda! Ang may “renal failure” ay mahina ang ihi at minsan ay hindi na umiihi!!
Kapag kinailangan na ang dialysis, ibig sabihin sirang-sira na ang mga bato mo at hindi na ito maisasaayos pa.
Bakit ba nasisira ang kidneys? Paano ba natin aalagaan ito? Maliban sa kakaunting porsyento na ang mga bato ay may sakit na nanggagaling sa kanyang sariling istruktura gaya ng kanser (tumors), bato (stones), impeksyon at kakulangan sa tubig (dehydration), madalas ang mga “kidneys ay nasisira dahil sa ibang sakit ng katawan gaya ng “Diabetes” at “Hypertension”.
Mahigit sa kalahati ng mga pasyente na dumaraan sa dialysis ay dahil sa Dyabetes at mahigit 15 porysento ay dahil sa alta presyon.
Tama, maapanganib talaga sa ating mga bato ang matatabang pagkain at ang katabaan (Obesity).
Delikado rin sa ating mga bato ang mataas na g “lipids” at “uric acid”.
Sa totoo lang, magkakamag-anak ang mga risk factors na ito. Madalas na kapag mataba ang tao, siya ay mayroon din dyabetes at alta presyon.
Samakatuwid, kung iiwasan ang mga ito o kaya naman ay gagamutin kung mayroon na nito, maaalagaan ng husto ang “kidneys”.
Abangan sa Huwebes ang mga paraan para mapangalagaan ang ating mga bato. Tandaan, hindi mga brilyante ang pinakamahalagang bato sa mundo!
May problema ba kayo sa kalusugan? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606. Abangan ang aming sagot araw-araw sa BARANGAY KALUSUGAN.