Hinding hindi kayo nakakalimutan ng pangulo. You were always one of the president and the Cabinet priorities.—Manuel Roxas II
TAMA si Mar Roxas, na sa Ingles, dala ng kanyang palayaw ang lahat ng negatibo, pangit, kalunus-lunos, kawawa at kahindik-hindik. Mar at tinawag na ngang Marred Roxas ng isang kolumnistang magiting, matapang at hindi nagkakamali sa kanyang Ingles.
Kung tutuusin ay may katuwiran at paninindigan ang pagkakatawag at pagsasalarawan ng Marred Roxas. Noong nasa Department of Transportation and Communication pa lamang si Roxas ay “marred” na ang sistema ng plaka at sticker ng mga sasakyan.
Sa nagmamaneho ng sasakyang apat ang gulong ay okey lang dahil hindi sila pinapara, ginagambala at inaabala sa mga checkpoint sa bawat lungsod at isang bayan sa Metro Manila.
Ang mga nakamotor ang pinapara, ginagambala at inaabala dahil sa kapalpakan ng DOTC at Land Transportation Office, sa panahon ng tuwid na daan ng Ikalawang Aquino, ang anak nina Ninoy at Cory.
Dahil sa inumpisahan ni Mar Roxas sa DOTC. Para sa araw-araw ay pinapara, ginagambala at inaabalang masang mga nakamotor, mabuti na lamang at hindi naging pangulo si Mar Roxas. Baka mas masahol pa ang dinanas nila.
At ngayon nga ay mas masahol pa ang dinaranas ng mga binagyo nina Santi, Yolanda at Agaton; at isama na rin ang mga biktima nina Pablo at Sendong sa Mindanao. Oo nga naman.
Binagyo’t binaha na ang mga taga-Mindanao, inilumpo pa ng palala nang palalang mga blackout. At naganap iyan, siyempre, sa panahon ng amo ni Mar Roxas, ang magtataas sa kanyang kamay bilang paboritong kandidato pagkapangulo ng dilawin, at patuloy at walang hanggang naninilaw, na si Aquino, sa 2016.
Klap-klap-klap. Tsk-tsk-tsk. Iling-iling-iling. Oo nga naman. Ayon kay Roxas, hindi nakalilimutan ni Aquino ang mga biktima nina Yolanda at lindol sa Bohol.
Sino nga ba naman ang hindi makalilimot sa sinapit ng mga biktima ng supertyphoon at superlindol. Mismong mga biktima nga ng bagyo’t lindol ang unang hindi makalilimot sa kanilang sinapit dahil hanggang ngayon, Hunyo 9, ay namumuhay pa rin sila ng masahol pa sa pariwara.
Ayon kay Jizza Mariss Pica, 22, ng Tacloban City, sa kanyang text sa Bandera kahapon, naghahanap at naghihintay pa rin ng tulong ang kanyang pamilya para muli silang makapagpatayo ng bahay, na payak tulad ng kanilang kinagisnan bago manalasa si Yolanda.
Ha!? Hindi ba tinulungan nina Aquino, Roxas at Panfilo Lacson, ang pinawalang sala sa pamamaslang sa mga kasapi ng Kuratong Baleleng at kina Salvador Dacer at Emmanuel Corbito, ang mga taga-Tacloban? Nobyembre 8, 2013 pa nanalasa ang bagyo pero kahapon ay meron pa rin natatanggap ang Bandera ng pagsusumamo sa tulong.
Tsk-tsk-tsk. Iling-iling-iling. Pero, tama pa rin si Mar Roxas, ang asawa ni Korina Sanchez. Hindi nakalilimutan nina Aquino at gobyerno ang mga biktima ng bagyo at lindol, sa kabila ng kapalpakan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, na dumanas at tinamaan na rin ng papalit-palit na pinuno dahil sa nagbibitiw nga ang mga hinirang na hepe rito at idinadahilan ang “kalusugan.”
Hindi rin nakalilimutan nina Aquino at gobyerno ang mga biktima ng blackout sa Mindanao, na naging sanhi para bumagsak ang ekonomiya ng napakayamang isla, ang pinakamayaman sa buong bansa.
Hindi nga nakalilimutan nina Aquino at gobyerno ang araw-araw ay biktimang mga pasahero ng MRT. Hindi nga nakalilimutan nina Aquino at gobyerno ang milyun-milyong nagugutom at walang trabaho. Hindi nga nila nakalilimutan ang labis at hilahod na kahirapan ng mahihirap.
Totoo iyan. Hindi nga nila nakalilimutan. At totoo rin na kaya lumaki ang napakaraming problema ng arawang obrero, ng taumbayan, ay hindi nila inaasikaso ang mga ito. Hindi nila inasikaso ang mga biktima ni Yolanda.
Bagkus, ang inasikaso ni Mar Roxas ay paalalahan ang Romualdez na hindi Aquino ang kanyang apelyido. Hindi rin inasikaso ni Mar Roxas ang pagdadala ng tulong nang una siyang lumapag sa Tanuan, Leyte, kasama ang buong news team ng ipinagpipitagang ABS-CBN.
Hindi rin inasikaso ang mga biktima ng lindol sa Bohol, na dumating sa yugtong ibinabandera ng mga residente sa gilid ng kalye’t dalampasigan ang paghingi ng tulong sa tuwing may magagawing team ng foreign news agencies.
Hindi rin inaasikaso, at dedma pa nga, ang hanggang ngayon ay kawalan ng plaka’t sticker ng mga sasakyan. Ayon sa Texter …7780 ng Barangay Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan, tatlo ang kanyang sasakyan, na may huling numero sa plaka na 1, 4 at 5.
Ang mga ito’y nai-renew na niya ang mga rehistro sa LTO P. Tuazon, Cubao at LTO Mandaluyong. Hanggang kahapon, ang tatlong sasakyan ay wala pa ring sticker! Susme! Susmeng gobyerno ito.
Malinaw na. Na ang mahihirap ay hindi inaasikaso. Ang hindi mahihirap ang inaasikaso. Tulad ng pagsasampa ng kasong pandarambong, na sa yugtong ito ay wala pang katiyakang mananalo ang rehimeng Aquino.
Naaalala ang mahihirap. Hindi nga lang sila inaasikaso. Ang alaala ay hindi makakain.