BRGY. GINEBRA TAOB SA RAIN OR SHINE

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Air21 vs San Mig Coffee

PINALAWIG ng Rain or Shine Elasto Painters ang kanilang winning run sa tatlong laro matapos pataubin ang Barangay Ginebra Kings, 117-108, sa kanilang PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup game kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Bagamat nagawang makaratsada sa huling yugto ng Barangay Ginebra para makadikit sa pitong puntos, 108-101, may 2:34 sa laro hindi naman kinabahan ang Rain or Shine matapos maghulog ng tres si Lee para tuluyang makalayo ang Elasto Painters.

Pinangunahan ni Arizona Reid ang Rain or Shine sa itinalang 31 puntos habang si Lee ay nag-ambag ng 24 puntos.

Bunga ng panalo, umangat ang Rain or Shine sa 4-3 karta habang ang Barangay Ginebra ay nalaglag sa 4-2 kartada.

Sa unang laro, nagtala ng triple-double ang bagong import ng Barako Bull na si Allen Durham para tulungan ang Energy na tambakan ang Globalport Batang Pier, 122-98, at wakasan ang kanilang five-game losing skid.

Gumawa si Durham ng 32 puntos, 24 rebounds at 10 assists para sa Barako Bull na umangat sa 2-5 kartada.

Nagsolo naman ang Globalport sa huling puwesto sa team standings sa 1-6 karta para manganib na malaglag sa torneo.

Galing sa taliwas na resulta sa kanilang huling laro, magtutuos ang Air21 at San Mig Coffee na kapwa naghahangad makapasok na sa quarterfinals ng PBA Governors’ Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang Express at ang Mixers ay kapwa may 4-2 records. Nakabawi ang Air21 sa 102-91 pagkatalo sa Talk ‘N Text nang pataubin nila ang Meralco, 80-67, noong Miyerkules.

Sa kabilang dako, ang Mixers ay dinaig ng Alaska Milk, 93-84, noong Biyernes. Bunga ng panalo ay nakabawi ang Aces sa nakakahiyang 123-72 kabiguan sa Rain or Shine.

“We get our energy from playing hard-nosed defense. The problem is we can’t do five-on-five in practice because some players are injured,” ani Air21 coach Franz Pumaren.

May posibilidad na makasama na ng Express si Sean Anthony na hindi pa nakapaglalaro sa conference na ito. Nagtamo ng injury si Anthony sa semifinals ng nakaraang Commissioner’s Cup.

Idagdag pa rito na unti-unti ay nakakabawi na ang sentrong si Enrico Villanueva sa kanyang injury.

Sa ngayon, ang mga locals na bumubuhat sa Air21 at si Paul Asi Taulava ang nangunguna rito katuwang sina Mark Cardona, Joseph Yeo at Aldrech Ramos.

Sa import matchup ay magtutunggali sina Dominique Sutton ng Express at Marqus Blakely ng Mixers.

Umaasa si San Mig Coffee coach Tim Cone na maipagpapatuloy ng kanyang mga bata ang hindi pagkakaroon ng back-to-back na kabiguan buhat pa sa simula ng season.

Kabilang sa sinasandigan ni Cone sina Marc Pingris, Peter June Simon, Joe Devance, Mark Barroca at James Yap.

Read more...