“I LOVE my children!” Ito ang rasong ibinigay ni Q.C. Mayor Herbert Bautista nang kapanayamin siya sa “Yes or No” segment ng Bandila kamakailan.
Patungkol nga yun sa tanong ng mga anchors ng show na sina Karen Davila, Julius Babao at Ces Drilon sa dahilan kung bakit sinagot ng butihing Mayor na kumpare natin kung bakit hindi na sila posible pa uling magkaligawan ni Kris Aquino.
“Hindi na,” dugtong pa nito nang kulitin siya kung posibleng magkaroon ng part two ang sinabi niyang naudlot na relasyon nila ni Kris matapos nga itong pumutok sa media at pagpiyestahan ng madlang pipol, hanggang sa madamay na nga ang kanyang mga anak. “I love my children,” ulit pang tugon nito sa tanong.
Inamin din ng kontrobersyal na Mayor ng Q.C. na “minahal niya” si Kris (though ang tagal niya bago ito nasagot ng yes) at nananatili pa rin naman silang magkaibigan.
Napakatalino din nitong sinagot ang mga isyu sa pulitika, partikular na yung sinasabing “jungle city” na plano niya para sa lungsod at gawin itong mga tourist attraction.
Tahasan din niyang sinabi na hindi siya tatakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016, posible raw na mag-mayor uli siya pero kung magdedesisyon daw ang itinuturing niyang tatay sa politika na si Speaker Sonny Belmonte na patakbuhing alkalde ang anak nitong Vice-Mayor Joy Belmonte, “susunod ako,” tugon niya.
At kung sakali naman daw na ituloy ni Bosing Vic Sotto ang noon pang clamor sa comedian na tumakbong mayor sa Q.C., handa daw siyang labanan at harapin ito.
Sa kabilang banda kapatid na Ervin, may mga naniniwala pa ring kaya matapang daw ngayon na magsalita sa media si Bistek ng tungkol sa naudlot nilang relasyon ni Kris ay dahil may agreement na sila ng TV host-actress.
Balitang may relasyon pa rin ang dalawa pero kailangan na nila itong ilihim sa publiko. “Sobra naman kasing halata, bakit bigla na lang siyang naging open about it? Noon sobrang iwas siya sa isyu, ayaw niyang magsalita.
Ngayon, on national TV ay talagang parang kaswal na kaswal na lang siyang nagpapaliwanag,” sabi ng aming nakachika.
Segue ng aming kausap, “Bumabawi lang siguro sa mga anak na nasaktan at nabigla noon kaya’t parang kinukundisyon nila ang mga ito na wala na nga at tapos na. Pero iba ang kilos at galaw ng mga damdamin nila.”
Well, masasabi nga nating iba ang pagtutok na ginagawa ng mga kababayan natin sa isyung ito. Posible nga namang “testing of waters” lang ang napaunang sultada ng “Kristek” romance at posible ring bilang mga magulang ay pinagbibigyan nito ang mga anak nilang nasaktan sa sitwasyon.
Hindi rin imposible ang mga hindi mamatay-matay na tsismis na “on-going” pa rin ang kanilang affair at sila lang ang nagkakaunawaan kung saan, kailan, paano at kung sinu-sino ang mga kakuntsaba nila sa pagsasakatuparan ng kung anumang meron sila?