Motor de-kadena vs de-fanbelt

Ni Rodrigo Manahan

MAYROONG mga motorsiklo na de-kadena at de-fanbelt.  Pero ano nga ba ang pagkakaiba ng mga ito?

Sa mga nagmomotorsiklo at gustong magkaroon ng motorsiklo, kailangang alam ninyo kung ano ang pagkakaiba ng de-kadena at de-fanbelt na motorsiklo na siyang magpapikot sa hulihan ng inyong gulong para tumakbo.

Magaling at mas maaasahan ang motorsiklo na de-kadena kung ang pag-uusapan ay long drive dahil mas mabilis ito sa mga rektahan.

Pero kung mabilisan naman para sa short distance drive ang gusto mo, mas kapaki-pakinabang ang mga motorsiklo na de-fanbelt dahil mas mabilis naman ito sa mga arangkadahan.

Bukod dito ay mas mada-ling gamitin ang de-fanbelt dahil walang kambiyo ang mga ito at tanging silinyador lang ang pipisilin upang tumakbo.

Kung baguhan kang nagmomotor, mas bagay sa iyo ang de-fanbelt dahil hindi mo na kailangang intindihin kung may aapakan ka pang kambiyo.

Marami na rin mga de-kadena na automatic ang clutch subalit mayroon pa ring mga kambiyo na tatapakan upang umusad ang motorsiklo.

Nagpapayo ang mga eksperto sa mga motorsiklo na gamit ang de-fanbelt na ugaliing naka-center stand ang motorsiklo kung iiwang buhay ang makina dahil kung biglang may pumisil sa silinyador ay bigla na lang itong tatakbo.

Sa mga de-kadena ay kahit pisilin ang silinyador ay hindi tatakbo ito kapag naka-neutral ang kambiyo.

Sa mga de-kadena naman, dapat  ay siguraduhin na nasa ayos ang kadena at naka-align dahil puwedeng kumalas ito kapag tumatakbo na dahil pag-umipit ang kadena sa sprocket ay titigil ang gulong na magiging dahilan upang sumemplang ang sakay nito lalo na kapag mabilis ang takbo.

Kahit na ano ang piliin ay laging tandaan na dalawa lang ang gulong ng motorsiklo kung kaya laging alerto sa pagmomotorsiklo upang iwas sa disgrasya.

Read more...