PACQUIAO BABABA NG TIMBANG SA NEXT BOUT

MAY posibilidad na bumaba ng timbang si Manny Pacquiao para harapin ang isang malaking laban sa kanyang pagbabalik sa Nobyembre.

Sa panayam ng Boxingscene.com kay Top Rank CEO at promoter Bob Arum, kanyang sinabi na sinisipat niya ang walang talong World Boxing Association (WBA) at World Boxing Council (WBC) light welterweight champion Danny Garcia para siyang makatuos ni Pacquiao sa pagbabalik sa Nobyembre.

Si Pacquiao ang hari ng World Boxing Organization (WBO) welterweight division pero walang nakikitang problema si Arum kung sakaling bumaba mula sa 147 pounds tungo sa 140 pounds ang natatanging multi-division world champion kung ayaw umakyat ng 26-anyos American champion.

Ang inaalam lang ngayon ni Arum ay kung nakakontrata ang walang talo matapos ang 28 laban na si Garcia sa Golden Boy Promotions (GBP) na pag-aari ni Oscar De La Hoya.

Nabuksan ang pintuan sa pagkikita ng mga boxers mula Top Rank at GBP nang nagbibitiw bilang CEO si Richard Schaefer matapos ang ilang buwang alitan nila ni De La Hoya.

Kontra si Schaefer sa naisin ni De La Hoya na makipag-ayos na kay Arum para magkaroon ng alitan.

“You understand I’m a promoter, but also a lawyer,” wika ni Arum. “I don’t go by rumors or anything. If Garcia is with Golden Boy and he is free to fight Manny Pacquiao, he would be moving to the top of the list,” wika ni Arum.

Inaalam pa ngayon ng GBP kung sinu-sino ang mga boksingerong nasa kanilang kampo.

Minsan nang binanggit ni De La Hoya ang kahandaan na ilaban si Marcos Maidana kay Pacquiao para sa kampeonato sa WBO 147-pound division.

Huling laban ni Maidana ay kontra kay Floyd Mayweather Jr. at natalo siya sa pamamagitan ng majority decision para manatiling hari ang pound-for-pound king sa WBC welterweight class.

Ang grupo ni Mayweather ay kumalas na rin sa GBP at ang itinayong Mayweather Promotions na ang hahawak sa laban ng walang talong American boxer.

Itinakda sa Nobyembre 23 sa Macau ang ikalawang laban ni Pacquiao sa taong ito at naunang binanggit si Juan Manuel Marquez bilang posibleng kaharap para sa ikalimang pagtutuos.

Pero sa nangyari sa GBP ay nagkaroon ng mas maraming mapagpipilian ang Top Rank.

Sang-ayon naman ang trainer ni Pacman na si Freddie Roach na makaharap ng Kongresista ng Sarangani Province si Garcia.

“It would be big for everybody,” wika ni Roach na inihahanda si Miguel Cotto para sa laban niya kontra kay Sergio Martinez sa Linggo sa New York.

Read more...