Ang pangitlinan law

SA Barangay 176 (Bagong Silang, Caloocan), mamera, hindi lima singko, ang buhay ng tao. Mataas ang krimen, ang patayan, sa Bagong Silang, ang pinakamalaking barangay sa bansa, na may 524.68 ektarya, o mas maliit lang ng konti sa sa San Juan City (594 ektarya). Mahigit 300,000 na ang populasyon ng Bagong Silang (ang tala ng pulpol na gobyerno ay noon pang 2010), na nilagpasan na nito ang populasyon ng Navotas, na 249,000 (noon pang 2010, ayon sa pulpol na gobyerno). Marami ang pinapatay at namamatay sa Bagong Silang dahil sa bawat Phase ay tatlo hanggang apat ang tanggapan ng punerarya at mahigit 100 ang ahente ng mga punerarya na kumikita sa komisyon sa bawat bangkay.

Kung babanggitin ang pangalan at kapitalista ng bawat tanggapan (hindi pa burulan iyan) ng punerarya, bubulaga ang pusod ng mga politiko at mga opisyal ng bugok na PNP. Hindi pa kasama ang mga kamag-anak.

Pero, iyan ang kabulukan ng sistema. Ang mas bulok, at napakapangit, ay ang umiiral na Republic Act 9344, na iniakda ng senador daw na si Francis Pangilinan. Ang pangit ng batas na ito. Na iniakda ni… Dahil ang batas na ito ang kinamumuhian ng matitinong pulis na itinatapon sa Bagong Silang dahil sila’y walang mga “ninong.” Sa barangay hall, sa Katarungang Pambarangay Administrative Office, ang unang tumatanggap ng reklamo, bago ipasa sa Kagawad mediation, conciliation hanggang sa Lupon Tagapamayapa, ang tawag nila sa mga kaso na ang inirereklamo ay mga menor de edad ay “pangit.” Hindi exciting. Kasi nga, itong tinamanang na RA 9344.

Tamad ang pulis-Bagong Silang kapag ang suspek ay menor de edad. Oo nga naman. Bakit sisipagin ang pulis na siya pa ang bubuweltahan ng RA 9344? Sino ngayon ang kakampi ng kriminal sa pinakamalaking barangay sa bansa? Hindi ang pulis. At mas lalong hindi ang barangay.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Mayor Oca Malapitan, ano po itong kabulastugang nangyayari sa UCC? May mga bumagsak sa entrance exam na nakapag-enroll at pumapasok na dahil nakakuha sila ng papel galing daw sa iyong opisina na may pirma ng opisyal na malapit sa inyo. Iyan ba ang Tao ang Una, may pinipili at palakasan? Elisa Santos, ina ng estudyanteng bumagsak sa exam.

Ako po’y seaman at nasa barko ngayon. Nakakahiya tayong mga Pinoy. Kahit na kami’y nasa barko ay nababasa namin sa Internet ang mga nangyayari sa atin. Kawawa naman tayo. Napag-iwanan na tayo sa Asya. Garapalan na ang kurakot at pami-pamilya pa. …8944

May apat na tanong lang ako sa tuwad na daan: First, anim na buwan na ang nakararaan, bakit hanggang ngayon sa tolda pa rin nakatira ang mga biktima ni Yolanda? Second, nasaan ba ang bilyun-bilyong tulang mula sa ibang bansa? Third, ano ang ibig sabihin ng Pinoy Request sa files ni Benhur Luy at sino siya? Fourth, bakit matamlay si PNoy sa mga kaso ng PDAF? …2920

Sa pagitan ng alas-3 ng maga hanggang alas-4 ng umaga, nagkakarera ang mga motorsiklo dito sa Commonwealth ext., sa North Fairview, Quezon City. Hindi naman gabi-gabi ang karera, pero tatlong beses nang naganap ito sa di magkakasunod na gabi.
Di ba’t may nagpapatrolya sa North Fairview na mga pulis pagkatapos maganap ang thrill killing sa kalapit na Regalado ave.? Ningas-cogon na naman ba ang police patrol? …1267

Kailan ba titino ang serbisyo ng MRT? Sana’y mapatino ito ni Vice Pres. Binay. ….3200

Read more...