BINAWIAN ng NLEX Road Warriors ang Blackwater Sports Elite noong Lunes upang maibulsa ang ikaanim na kampeonato sa pitong conferences na pagiging miyembro ng PBA D-League. Bale winalis ng Road Warriors ang Elite sa finals, 2-0.
Maituturing itong ‘sweet revenge’ para sa NLEX. Kasi, noong nakaraang season ay napurnada ang kanilang ‘drive for five’ nang sila’y talunin ng Blackwater sa Finals ng Foundation Cup.
Iyon ang una at tanging pagkakataon na hindi nakapaghari ang NLEX sa D-League. Kaya naman gigil na gigil ang Road Warriors na makabawi.
Tinambakan nila ang Elite, 90-77, sa Game One na ginanap noong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum. Dikdikan ang naging laban sa Game Two at hindi mawari kung sino ang magwawagi hanggang sa final buzzer.
Pero nakaulit ang NLEX, 81-78, sa duwelong ginanap naman sa Mall of Asia Arena. “Iba ang motivation ng mga bata ngayon. Gusto talagang makabawi,” ani NLEX team manager Ronald Dulatre sa victory party na ginanap sa Kamayan-EDSA matapos ang tagumpay.
“Siguro sumobra ang kumpiyansa namin last season. Nawala ang focus. Nawalan din kami ng maraming players. Those are the reasons for the loss,” dugtong ni Dulatre.
Sinigurado ni coach Boyet Fernandez na hindi magbabago ang intensity ng kanyang mga bata. Tiniyak niya na tanging ang kampeonato lang ang papawi sa kanilang gutom.
Kaya naman tungo sa pagsubi ng ikaanim na korona ay hindi nakalasap ni isang pagkatalo ang NLEX. Na-sweep nila ang elims at nagwgai ng dalawang beses laban sa Cebuana Lhuillier sa semifinals.
So, what’s next for NLEX? Iyon naman ang katanungan sa isip ng lahat ng dumalo sa victory party noong Lunes. Hahabol ba sila ng ikapitong titulo sa D-League o pupuntiryahin ang unang titulo sa Philippine Baskeball Association?
Kasi nga, ang NLEX ay isa sa tatlong kumpanya na tinanggap bilang bagong miyembro ng PBA. Ang dalawang iba’y ang Blackwater Sports at Kia.
Pero sa ngayon kasi ay Blackwater Sports at Kia lang ang kumpirmadong lalahok sa PBA sa susunod na season. Tila nagdadalawang-isip pa ang NLEX.
Hindi dahil sa pagbabayad ng franchise fee kundi dahil sa kawalan ng concessions para sa mga expansion teams. Nais sana ng NLEX na iakyat nang diretso sa PBA ang anim na manlalaro nila sa D-League.
Payag na rin sana sila na kahit tatlo lang ang maiakyat pero hindi pumayag ang PBA. Sa halip ay kailangang dumaan sila sa draft at doon magpalakas.
Malamang na hindi magiging malakas ang team na isasabak nila kung sakaling papasok nga sila sa PBA. Pero teka, sino ba may sabing hindi sila papasok sa PBA?
Ang deadline para malaman ang kanilang kasagutan ay sa Hunyo 7. “Enjoy muna namin itong championship. May apat na araw pa naman kami, e,” ani Dulatre.