APAT na taon na palang nakaimbak sa baul ang script ng comedy film na “My Illegal Wife”, hinihintay lang ng Skylight Films head na si Enrico Santos kung sino ang magbibida dahil gusto nila ay ‘yung perfect talaga sa role.
Timing naman na nag-hit ang “Bromance” ni Zanjoe Marudo at “Call Center Girl” ni Pokwang bukod pa sa ilang beses na rin silang nagkasama sa ilang proyekto kaya sila na ang pinagtambal sa “My Illegal Wife” kung saan introducing naman ang sexy star na si Ellen Adarna na gaganap bilang legal wife ni Zanjoe.
Kaya ipinagtanggol ni Enrico na hindi biglaan ang pagsulpot ng pelikula dahil matagal na raw ito, “Uy, hindi naman sulpot, matagal na namin itong ginagawa. Actually ang original date nga nito ay May 28, naka-16 days nga po kami, sobra ng isang araw, dapat 15 days lang.”
Madali na lang pala gumawa ng pelikula ngayon, pero bakit ‘yung iba ay inaabot ng taon o ilang buwan bago matapos tapos hindi pa ganu’n kaganda minsan ang resulta? “E, kasi Tony Reyes (direktor) ito, pag Tony Reyes, he knows what he wants, he does what he wants,” paliwanag sa amin ni Enrico.
Nabanggit namin na hindi ang “My Illegal Wife” ang alam naming isusunod sa “Maybe This Time” nina Coco Martin at Sarah Geronimo kundi ang “Once A Princess” nina Enchong Dee at Erich Gonzales.
Say ni Enrico, nagdadag kasi ng sequences ang “Once A Princess” saka Laurice Guillen project daw ito kaya hindi puwedeng apurahin ang pelikula bukod pa sa drama ito.
“At kung anong gustong ganda ni Laurice Guillen, hindi mo siya mapagmamadali. Laurice Guillen has her own way of story telling. Saka pag comedy, mas mabilis matapos,” sabi pa sa amin ni Enrico.
Samantala, kasalukuyang kumikita ang “Maybe This Time” kaya tinanong namin kung may kaba ba sila sa “My Illegal Wife”?
“Hindi, kasi kilala ko na si Zanjoe at si Pokwang, at saka iba ang comedy talaga. Kaya dasal-dasal na tayo ha,” nakangiting sabi sa amin.
Base sa trailer ng pelikula, hinango ang maraming eksena rito sa seryeng The Legal Wife, tawa nga kami nang tawa kina Zanjoe, Pokwang at Ellen dahil sa mga ginaya nilang eksena nina Angel Locsin, Jerico Rosales at Maja Salvador, pati na rin ang ilang eksena na ginaya naman sa “She’s The One” nina Bea Alonzo, Dingdong Dantes at Enrique Gil.
Speaking of Zanjoe Marudo, hindi na siya tinatablan kapag hinaharot siya ni Pokwang dahil, “Si mamang (tawag kay Pokwang) kasi nagsisimula palang ako, kami na ang magkasama, sa Aalog-Alog (sitcom), unang-unang trabaho ko sa ABS, siya na ‘yung kasama ko, marami na kaming napagdaanan, kumportableng-kumportable na ako at saka ‘yung mga harasan namin ni Mamang, e, normal na sa amin ‘yun.
“Kaya maski na may mga taong nakakakita sa amin, e, wala na sa amin ‘yun, normal na kaya nga nakakatuwa na nasundan ‘yung team-up namin sa ‘Cinco’ (horror movie) kasi nabitin ako nu’ng ginawa namin ‘yun kasi isang episode lang.”
Dagdag pa niya, “Saka ipinagluluto kami ni Mamang kaya lahat kaming katrabaho niya talagang irerespeto mo talaga.”
Nang si Pokwang naman ang hiningan ng komento tungkol sa sinabi ni Zanjoe na hindi na ito naaapektuhan sa “panghaharas” niya, “E, ano pa magagawa ko, nirespeto na ako?” birong sagot ni Pokie. Samantala, nakasabay namin sa pagpasok sa presscon ng “My Illegal Wife” si Pokwang at talagang nakatingin siya kay Zanjoe habang inaayos ng stylist ang damit ng aktor kaya ang biro namin sa komedyana, “Sayang ‘no?” (kasi may girlfriend na) na kaagad naman niyang sinagot ng, “Oo nga, eh. Kung wala lang si Bea (Alonzo), patay sa akin ‘yan maski sa gilid-gilid lang.”
Muli naming tinanong kung hindi ba nangyari, “Hindi, eh. Masyado siyang busy (kay Bea)!” biro rin sa amin ni Pokie.
Mapapanood na ang “My Illegal Wife” sa Hunyo 11 kasama sina Empoy Marquez, Joy Viado, Pooh, Edgar Allan Guzman, Beauty Gonzalez, Ellen Adarna, Steven de Guzman, Mikylla Ramirez at Ms. Anita Linda mula sa direksyon ni Tony Y. Reyes under Skylight Films.