Masa kawawa sa PCSO

WALA na bang pondo ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) o sadya lang bang tinitipid ang pondo nito dahil pinaghahandaan na ang 2016 elections?

Hindi ba’t ang mandato ng PCSO ay magbigay ng tulong medikal sa mga nangangailangan lalu sa mga humihingi ng ayuda para madugtungan pa ang kanilang buhay?

Pero hindi yata sa kaso ng isang babaeng stage 3 breast cancer na napakaimportante ng bawat oras para siya makapag-chemotherapy at mapigilan ang paglala ng kanyang sakit, at sa daan daan pang mga mahigirap na umaasa sa PCSO. Hindi siya nakakuha ng tulong mula sa PCSO.

Dahil sa walang kakilala at impluwensiya sa PCSO, matiyagang pumila ang babae, na isa ring ina, sa napakahabang pila ng PCSO para lamang mabigyan ng ayuda.

Sa kabila ng kanyang karamdaman, tiniis ng breat cancer patient ang init sa pagnanais na makakuha ng tulong sa PCSO para makapagpa-chemotherapy at kahit papaano ay umaasang madurugtungan pa ang buhay.

Ang nakakalungkot, nang siya na ang kakapanayamin ng mga personnel ng PCSO, at sa kabila ng mga dokumentong kanyang ipinakita na nagpapatunay ng pangangailangan para siya makapagpagamot agad, ang sinabi lamang sa kanya ng nag-i-screen ay “bumalik ka sa Hulyo baka matulungan ka na dahil mas marami pang nauna.”

Lumong-lumong umisan ang breast cancer patient.

Bukod sa nakakagalit ang nangyari sa babae, hindi maiiwasang mag-isip ang publiko kung naisip man lamang ba ng PCSO ang kahalagahan ng bawat oras para makapagpagamot ito.

Sa bawat oras na lumilipas na walang intervention para labanan ang cancer cells ay lalung nagiging agresibo ang mga ito at lalung kumakalat sa iba’t-ibang parte ng katawan ng pasyente.

Noong itinaas ng PCSO ang lahat ng presyo ng lotto sa P20 kada isang tiket, ang dahilan nito ay para mas maraming matulungang nangangailangan.

Tila malayo ito ngayon sa katotohanan. Kawawa naman ang ating mga kababayan.

DA who naman itong kilalang opisyal ng LGU sa Metro Manila na iniuugnay ang kanyang pangalan sa anak ng isang mayor din ng Metro Manila?

Usap-usapan ngayon na may relasyon ang opisyal sa anak na babae ng mayor bagamat kapwa sila may-asawa na.

Alam na ng opisyal na kalat na ang kwento sa pagitan nila ng anak ng mayor pero mariin naman niya itong itinatanggi. As usual ang katwiran niya gawa-gawa lang ang kwento ng mga kalaban nila sa politika.

Gusto niyo ba ng clue? Ang asawa ng anak na babae ng mayor ay konektado sa isang malaking media outfit, samantalang ang opisyal ang sinasabing papalit sa mayor sa 2016.

Yun na!

Read more...