SAN ANTONIO — Kinuha ng San Antonio Spurs ang 3-2 bentahe sa NBA Western Conference finals kahapon matapos na tambakan ang Oklahoma City Thunder, 117-89, sa Game 5 ng kanilang best-of-seven series.
Si Tim Duncan ay nagtala ng 22 puntos at 12 rebounds para pamunuan ang Spurs. Ang Game 6 ay gaganapin bukas sa Oklahoma City.
Gumawa si Kevin Durant ng 25 puntos para sa Thunder habang si Russell Westbrook ay mayroon lamang 21 puntos at pitong assists matapos kumana ng 40 puntos at 10 assists sa Game 4.
Kumamada naman si Manu Ginobili ng 19 puntos, sina Kawhi Leonard at Danny Green ay may tig-14 puntos at si Boris Diaw ay nag-ambag ng 13 puntos para sa Spurs, na isang panalo na lamang ang kailangan para muling makabalik sa NBA Finals kung saan tinalo sila ng Miami Heat sa pitong laro noong isang taon.
Ibinalik naman ng Spurs ang estilo ng paglalaro na naging susi para magwagi sila sa unang dalawang laro ng serye sa pinagsanib na 52 puntos. Ang Spurs ay nakapagbuslo rin ng 13 sa 26 na 3-pointers kahapon.
( Photo credit to inquirer news service )