PAGKAKATAON ngayon ni Nonito Donaire Jr. ang maibalik ang sarili sa dating kinalulugaran sa pagbangga kay WBA featherweight champion Simpiwe Vetyeka ng South Africa sa The Venetian sa Macau.
Tulad ng kanyang inihayag na wala itong problema sa timbang, si Donaire ay pumasok sa eksaktong 126 pounds sa weigh-in kahapon. Si Vetyeka, na idedepensa sa unang pagkakataon ang WBA belt, ay nasa 125.5 pounds.
“I feel great,” wika ni Donaire matapos tumimbang. Kampeon sa flyweight, bantamweight at super bantamweight division, nakikita ni Donaire na magiging kapanapanabik ang sagupaan dahil parehong nasa kondisyon sila ni Vetyeka.
Pero ipinarating uli ni Donaire ang pagnanais na makatikim uli ng titulo na huling nangyari noong 2013 sa WBO super bantamweight division.
Naisuko niya ang belt nang yumuko sa pamamagitan ng unanimous decision kay WBA champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba. “It’s a definite must win fight. It will be a very entertaining fight and it can end in any round,” dagdag nito.
Puno rin ng kumpiyansa si Vetyeka na ang makukuhang panalo ay magpapatibay sa hangaring makilala bilang isa sa pinakamahusay na boksingero sa nasabing dibisyon.
Galing si Vetyeka buhat sa magkasunod na technical knockout panalo noong nakaraang taon at ang huling pinataob ay ang dating tinitingala na si Chris John ng Indonesia.
Umayaw si John matapos ang ikaanim na round dahil sa matinding pahirap na inabot sa mga kamao ng South African boxer.“I believe in myself. I will bring my title back,” wika ni Vetyeka.
Sakaling manalo si Donaire, siya ang ikalawang Filipino boxer na nabalik sa pagiging isang world champion sa taong ito.
( Photo credit to inquirer news service )