PAYAPA ang kaisipan sa mga konsepto na hindi pa alam. Kung hindi mo alam na ikaw ay infected na ng HIV (human immunodeficiency virus), di mo ikakatakot kung anong epekto ang idudulot nito. Hindi ka rin mangangamba na baka full blown AIDS na ang kaso mo. Eto ay kung wala ka ngang HIV infection.
Pero paano kung ikaw ay may HIV nang di mo alam?
So, mas maganda ba sa iyong kalusugan kung alam mo ito o hindi?
Nakakalungkot kung sa huli mo na malalaman na ikaw ay mamamatay sa HIV/AIDS! At higit na nakakalungkot ay kung malaman mo na marami ka pa lang nahawahan, lalo pa’t mga kaanak mo ito, nang di mo sinasadya dahil sa pagiging iresponsable mo.
Ang kabatiran ukol sa HIV ay hindi lamang para sa kapakanan mo kundi para sa buong mundo. Kumplikadong isyu ito kayat dapat binibigayn ng ibayong pansin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga gawain gaya ng AIDS CANDLELIGHT MEMORIAL DAY na ipinagdiwang noong ika-19 ng Mayo.
Ang HIV/AIDS AWARENESS ay may positibing epekto sa adhikain na masugpo ang pagkalat ng sakit na ito. Mag-iingat ka na hindi ka mahawa at makahawa; at kung ikaw man ay meron na nito, ma magagawa kang mga paraan para supilin ang mga kumplikasyon nito.
Ang HIV ay isang uri ng RETROVIRUS na nagiging sanhi ng tuluyang pagbaba ng “IMMUNE SYSTEM FUNCTION”, na tinatawag na Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS), na siya namang dahilan kung bakit ang mga “opportunistic infections” at kanser ay pumapasok.
Kung walang gamutan na gagawin, maaring ikamatay ito sa loob ng 10 taon.
Nakukuha ito sa pamamagitan ng mga “body fluids” gaya ng dugo, semen, vaginal secretion, at kahit breast milk, mga likido ng katawan na nagtataglay ng IMMUNE CELLS na kung saan naman nakatira ang HIV.
Ibig sabihin, sa pamamagitan ng sexual contact o pakikipagtalik (vaginal, oral at anal sex), blood transfusion, tusok ng karayom na pang-injection (drug addicts) at sa pagpapasuso makukuha ang HIV.
Kahit sinasabi pang “incurable” ang HIV Infection, makapagbibigay ng pamamaraan na bumagal ang pag-lala nito kung ito’y malalaman ng maaga. Dito pumapasok ang “HIV testing o screening” na isang napaka-simpleng eksaminasyon sa dugo.
Mahalaga ang HIV test dahil kadalasan walang sintomas ito kapag maaga pa gaya ng lagnat, giniginaw, sakit sa kasu-kasuan (joint pains) at laman (muscle), sore throat, pinapawisan sa gabi kahit malamig, malalaking kulane, rashes, pagbawas ng timbang ng walang dahilan, madaling mapagod at panghihina.
Kapag huli na, o meron ng AIDS, maaring magkaroon ng diarrhea, blurring of vision, lagnat na matagal, naghahabol ng paghinga at maaring pumasok ang mga infections gaya ng Pneumonia, Tuberculosis at Fungal infectios, pamamaga ng Esophagus, mga kanser tulad ng Kaposi’s Sarcoma, Lymphoma at iba pa.
Mahirap sumali sa isang labanan na wala kang kalaban-laban. Kapag hindi mo alam ang mga pangyayari at hindi ka handa rito, wala kang magagawa na ikabubuti mo at ipanalo mo ang iyong laban.
Gusto mo ba ng pagkakataong lumaban o matalo ka na lang ng walang kalaban-laban? Huwag matakot sa katotohanan! Ito ang magpapalaya sa iyong kaisipan.