The communists are still succeeding in distorting the news. —Ferdinand E. Marcos, September 1971
ITO na ang pinakamahirap na yugto sa buhay ng obrero, ng mahihirap, ng taumbayan: ang mag-isip, gamitin ang sariling pagsusuri, lumikha ng sariling pasya’t katuwiran, timbangin ang mga isyu, pag-aralan ang rason at di salita, sa umpisa ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.
Sa nakalipas na sanlinggo umaapaw ang mga pahayagan at sumasabog ang ere sa mga propaganda, sa pangunguna ng mga komunista’t Malacanang, laban sa lilitisin gayung hindi pa nag-uumpisa ang bista.
Walang magagawa ang karaniwang mamamayan dahil wala naman talaga silang puwersa.
Ang gobyerno ang may puwersa, sa kasalukuyan.
Napakasidhi at napakatindi na ang banat kay Corona, lalo na sa radyo, na di kilala ang mga tumatawag at di nakikita. Iisa ang nilalaman: durugin si Corona.
Bakit nga ba? Kilala ba ng arawan si Corona? Nauunawaan ba ng mahihirap ang mga isyu? May pakiaalam ba sila sa statement of assets and liabilities?
Pero, ngayon ang natatanging pagkakataon para sa taumbayan at mahihirap.
Makinig sa bista at kilalanin ang katuwiran, hindi ang kantiyawan.
Di ka man kasali ay taglay mo ang malayang pag-iisip, na di dapat maagaw ng ngawngaw.
Sardinas 25 na
HABANG abala at nililibang ng dalawang kapistahan ang mahihirap, ang kapistahang banal ng Nazareno’t Santo Nino at ang kapistahang politika na nasa antas na ng kuyog, ang sardinas, ang delata ng mahihirap at militar, ay umabot na sa P25, at dalawang sikat na brand ang nakapagtatakang naglalaho sa merkado, o itinatago para sa muling pagpapakita nito ay iba na ang presyo.
Simula ngayon ay abangan ang panibagong pagtaas ng presyo ng gasolina’t krudo.
Tulad ng dati’t kalakaran, hanggang abang na lang ang arawan. Walang magagawa ang obrero kahit magreklamo pa siya dahil dedma lang siya.
Sino ba siya para pakinggan? Eh ano ngayon kung bumagsak ang ekonomiya at mahirapan siya?
Kung P25 na ang sardinas, P5 na ang “ice candy” na mantika, na “marumi” (may mga latak) pa at di malinaw.
Pero, may magagawa ba ang pamilya ng obrero? Puwede bang i-boycott ang sardinas at mantika?
Ganyan na lang, muna, ang kapalaran ng obrero (at paano na ang mga walang trabaho?).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.