Namataan ng mga kaibigan namin si Sarah Geronimo sa last full show ng “Maybe This Time” noong Miyerkules ng gabi sa
Trinoma cinema 7 kasama ang dalawang bodyguard at dalawang personal assistant.
Nakaugalian na yata ng pamilya Geronimo na manood sila sa first day of showing ng pelikula ng aktres dahil dati ay si Daddy Delfin naman ang nakatabi namin sa sinehan at parating sa Trinoma sila nanonood dahil siguro malapit ito sa bahay nila sa Mindanao Avenue.
Sabay tanong sa amin ng mga kasama namin, “Bakit hindi kasama ni Sarah si Matteo (Guidicelli)?”
Sa tingin mo bossing Ervin papayag ang magulang ni Sarah na sila lang ni Matteo ang manood ng sine, siyempre, hindi di ba?
Anyway, speaking of “Maybe This Time”, naka-P20 million pala ito sa unang araw pa lang at nagdagdag pa ng 11 sinehan kaya ang dating 160 ay naging 171 theaters na.
Going back to Sarah, mukhang tuluy-tuloy pa rin ang pamamayagpag ng karera niya ngayong 2014 dahil halos lahat ng shows at pelikula niya ay tinatangkilik. Tulad na lang ng The Voice Kids na talagang inututukan ng buong bansa ang unang batch ng young artists na nagpakitang gilas at nagpabilib sa coaches na sina Bamboo, Sarah at Lea Salonga.
Ayon sa datos ng Kantar Media, ang The Voice Kids ang pinakapinanood na programa sa bansa noong weekend. Noong Sabado (Mayo 24), pumalo ito sa national TV rating na 33.3%, o 21 puntos na mas mataas kumpara sa Vampire Ang Daddy Ko ng GMA na nakakuha lang ng 11.9%. Namayagpag din ito noong Linggo (Mayo 25) sa rating na 35.8% at tinaob ang kalabang programang Kapuso Mo, Jessica Soho (15.8%).
Talaga namang inabangan at pinag-usapan online ang premiere telecast ng programa dahil nanguna sa listahan ng worldwide trending topics sa Twitter sa parehong Sabado at Linggo ang hashtag na #TheVoiceKidsPhilippines. Nag-trend din nationwide at worldwide ang iba’t ibang artists at awiting napakinggan sa programa.
Kaya muling abangan ngayong Sabado at Linggo kung sinu-sino pa ang papasa sa panlasa at pandinig ng tatlong coaches.
Huwag ding bibitiw sa pagpili para sa kauna-unahang The Voice Kids na maraming papremyo ang naghihintay kasama na riyan ang house and lot mula sa Camella Homes ng Vista Land na ang chairman ay si Mr. Manny Villar. Bongga ‘di ba, sa bahay at lupa pa lang, panalo na agad!
Huwag palampasin ang pagpapatuloy ng Blind Auditions sa The Voice Kids tuwing Sabado, 6:45 p.m. at Linggo, 7:30 p.m. sa Yes Weekend ng ABS-CBN.