Bumibisita sa mga cong kumonti, wala na kasing ‘pork’

ANDAMI nang nag-aabang sa Sandiganbayan. Inaabangan kung kailan isasampa ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder laban sa mga sabit sa pork barrel fund scam.

Naniniwala ang marami na hindi na magbabago ang isip ng Ombudsman sa naunang desisyon nito na sampahan ng kaso sina Sen. Bong Revilla, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile.

Ang tanong na lang ay kung kailan isasampa ang kaso.

Naghahanda na ang Commission on Elections para sa 2016 presidential elections.
Siyempre, kung ang mga pulitiko ay naghahanda na, ang Comelec din.

Gusto ng Comelec na bumili ng mga bagong automated electons machines. Nais nilang palitan na ang mga precinct count optical scan machines na ginamit noong 2010 at 2013.

At hindi lamang papalitan ng Comelec ang mga lumang PCOS kundi mas marami pa silang bibilhin.
Gagastos ang gobyerno ng P11 bilyon para sa 121,800 bagong automated counting machines.

Akala ko dati, binili ang mga PCOS dahil ito na ang gagamitin tuwing may eleksyon.
Hindi pala.

Para tuloy mali na binili natin ang mga PCOS machines. Dalawang beses pa lang nating nagagamit ang P3 bilyong halaga ng makinang ito.

Mukhang dapat sa susunod ay umarkila na lamang tayo ng mga makina para hindi na rin tayo gumastos sa pagtatago nito.
At dahil umaarkila lang tayo, ang piliin natin ay yung bago.

May plano din ang Comelec na ibenta ang mga lumang PCOS para hindi naman ito lubusang masayang.

Ang tanong lang ay kung sino kaya ang gustong bumili nito.

Kumonti na ang mga ordinaryong tao na pumupunta sa Kamara.

Epekto ito marahil ng kawalan ng pork barrel fund ng mga kongresista.

Nang pumutok kasi ang pork barrel fund scam, wala nang maibigay na tulong ang mga kongresista sa kanilang mga constituent.

Wala na silang pondo sa mga government hospital na maaaring magamit ng kanilang mga may sakit na kadistrito.

Kaya naman marami ang namomroblema ngayon.

Ang mga mahihirap na umaasa ng pondo sa mga “matitinong” kongresista ay wala nang makuha para sa kanilang dialysis.

At ano ang kanilang ginagawa ngayon para mapahaba pa ang kanilang buhay? Manalangin na ang mga nauna sa kanila na nagpa-dialysis ay may matirang gamot.

Iipunin nila ang mga natirang gamot para sila ay makapagpa-dialysis.

Pero paano kung walang matira, pasensyahan na lang ba?

Read more...