Si Risa o Bem sa PCSO?

MUKHANG naiwan na sa karera itong si dating Cavite Governor Ayong Maliksi sa pinag-aagawang posisyon sa PCSO na iniwan ni Margie Juico. Ang dahilan daw ay ang napapabalitang may koneksyon daw itong si Ayong sa ilang gambling lords kaya nagdalawang-isip na sa kanya ang Palasyo.

Ayaw malagay sa kontrobersya o kahihiyan si Pangulong Aquino kaya nag-preno ito sa pag-appoint kay Ayong. Hindi ba’t ang bilis nang paglutang ng pangalan ni Ayong na siyang kapalit ni Juico, pero bakit napurnada? Marami kasing umalma!

Ngayon, lumutang na ang mga pangalan nina Risa Hontiveros ng Akbayan at Bem Noel ng An Waray party list.

Kung sa pagitan nina Bem at Risa ang pag-uusapan na papalit kay Margie sa PCSO, mukhang llamado rito si Risa. Ang dami namang tumaas ang kilay nang lumutang ang pangalan ni Bem. Matindi ang inis ng mga taga-Tacloban dito kay Bem. Lumutang kasi ang balita na iniipit nitong si Bem ang mga relief goods para sa mga Yolanda victims bilang ganti nito sa mga Taclobanon na nagbasura sa kandidatura niya noong 2013 elections. Tinalo kasi siya sa pagkaalkalde ng syudad ni Alfred Romualdez.

Samantalang si Risa, kung sasabihing may bagahe rin ito, ang tanging puna sa kanya ay ang kanyang pagiging babae. Anong klaseng batikos naman ito? Pero marami nga ang nagsasabing mas mabuting ang pumalit kay Margie ay isa ring babae. Bukod kasi sa walang kontrobersiyang kinakaharap itong si Risa, kilala rin ito sa kanyang pagiging aktibista.

Laman ng kalye si Risa kapag may protestang isinasagawa ang mga militanteng grupo lalu na kung katiwalian sa gobyerno ang pinag-uusapan. Halos nakilala rin itong si Risa sa kanyang mga adbokasiya tulad ng pakikipaglaban ng interes ng mga kababaihan, kabataan at pagsusulong sa tunay na pamamalakad ng isang pamahalaan.

Kung talagang gustong tumino ng pamahalaan ang PCSO at maalis ang sinasabing mga gambling lords na gumagamit sa ahensiyang ito, mabuting si Risa na lang ang ilagay dito. At siguro naman, ang mga proyekto na magbibigay tulong sa mga mahihirap na may sakit, kabataan at kababaihan ay tiyak na makakarating dito.

May komento o tanong ba kayo sa artikulong ito? I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Read more...